NAPIGILAN ng pinagsanib-puwersa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), Coast Guard Talibon at ng PNP Talibon ang tangkang pagpuslit ng sand & gravel na patungong Talibon, Bohol.
Lulan ng LCT “PMI-8” o Deck Cargo Ship ang mga nabanggit na buhangin at graba nang masita ng mga awtoridad nitong Sabado ang mga tripulante at kapitan ng barko dahil hindi “valid” ang ipinakita nilang transport permit.
Nabatid na galing sa Albuera, Leyte ang naturang barko na may kargang 1,300 cubic meter ng sand and grave at dumating sa Talibon port nitong Agosto 15.
Dahil dito, dinala ang limang crew ng barko sa Talibon Police Station para sa kaukulang imbestigasyon.
Posibleng sampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa Section 103 o theft of minerals, sa ilalim ng Republic Act 7942 o mas kilala sa tawag na “Philippine Mining Act of 1995″.
Comments are closed.