PIRA-PIRASONG KATAWAN NG LALAKI NADISKUBRE SA MALETA

Katawan

BULACAN – PALAISIPAN pa rin sa San Jose del Monte (SJDM) City Police ang pagkakakilanlan sa isang lalaking pinagputol-putol ang katawan saka isinilid sa maleta na itinapon sa Quirino Highway,Barangay San Manuel, SJDM City.

Base sa report ni P/Lt.Col.Orlando Castil Jr., SJDM City Police Chief, blangko pa rin ang pulisya sa pagkakakilanlan sa biktima.

Base sa imbestigasyon, nadiskubre ang maleta ala-7:30 ng umaga noong Sabado at nang buksan ay tumambad ang pira-pirasong bahagi ng katawan ng lalaki kabilang ang mga braso at hita.

Kaagad nila itong ipinagbigay-alam sa pulisya at sinuri ng Bulacan Scene of the Crime Operative (SOCO) team ang pira-pirasong katawan ng biktima na walang naiwang pagkakakilanlan sa maleta at hindi inaalis na pinatay ang biktima sa ibang lugar at sa nasabing lugar lamang itinapon para iligaw ang imbestigasyon ng pulisya.

Gayunpaman, nakikipag-ugnayan na ang SJDM City police sa Marikina police kung may kaugnayan ang krimen sa natagpuan ding putol-putol na katawan na nakasilid din sa Maleta sa  Marikina kamakailan. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.