PIRATES LALAPIT SA ‘TWICE TO BEAT’ BONUS

NCAA-3

Mga laro ngayon:

(Filoil Flying V Centre, San Juan)

10 a.m.- AU vs EAC (jrs)

12 nn.- MU vs LPU (jrs)

2 p.m.- AU vs EAC (srs)

4 p.m.- MU vs LPU (srs)

SIGURADO na sa isang Final Four slot, nakatuon ang Lyceum of the Philippines University sa paglapit sa twice-to-beat incentive sa pagsagupa sa Mapua sa 94th NCAA basketball tournament ngayon sa Filoil Flying V Centre sa San Juan City.

Ang Pirates, kasama ang San Beda Red Lions na kasalo nila sa ibabaw ng standings na may 13-1 kartada, ay nabigyan ng libreng ticket sa Final Four makaraang silatin ng Emilio Aguinaldo College Generals ang St. Benilde Blazers, 69-67, noong Biyernes.

Nakatuon sila ngayon sa mahalagang semifinal incentive.

Sa katunayan, ang panalo sa kanilang  4 p.m. encounter sa Cardinals, na sibak na sa kontensiyon na may 4-10 marka, ay magbibigay sa Pirates ng playoff para sa insentibo sa top two teams matapos ang eliminations.

“The goal remains the same, which is to win a championship. But we know it will take a step-by-step approach for us starting with this (Mapua) game,” wika ni LPU coach Topex Robinson.

Ibinuhos ng LPU ang galit nito sa AU, 113-79, noong Martes makaraang mapigilan ito sa elims sweep kasunod ng masaklap na 81-83 pagkatalo sa Perpetual Help.

Sa naturang one-sided win laban sa AU,  naitala ng LPU ang ilang statistical records tulad ng most points scored (113), most three-pointers made (14), most assists (27), most fast break points (34) at most bench points (81).

Samantala, sisikapin ng AU (4-9) na manatiling buhay ang ­sisinghap-singhap na kampanya para makasambot ng puwesto sa Final Four sa pagharap sa sibak na ring EAC (3-11) sa alas-2 ng hapon.

Comments are closed.