PIRMA NA LANG NI PANGULONG DIGONG ANG KULANG: BUWANANG HONORARIUM SA SK OFFICIALS MAISASABATAS NA

DAHIL lusot na sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukalang batas na magkakaloob ng buwanang honorarium sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan, pirma na lang ni Pangulong Digong ang kulang at tuluyan na itong mapagtitibay.

Bago po nag-break ang Kongreso para sa pagsisimula ng campaign season, ilang mahahalagang batas ang inaprubahan at ngayo’y naghihintay na lang ng lagda ng Pangulo.

At kabilang nga riyan ang ratipikadong bicameral conference committee report para sa Senate Bill 2124 at House Bill 10698. Nilalayon ng dalawang panukalang ‘yan na amyendahan ang umiiral na SK Reform Act of 2015.

Bilang tayo po ay chairperson ng Committee on Youth sa Senado, isa tayo sa nanguna sa pagpasa nito. Binibigyang-diin natin sa proposisyong ito ang pagpapalakas sa karapatang pantao at gender equality bilang mga pangunahing bagay na dapat isulong ng SK programs.

Isa sa mahahalagang bahagi ng ating panukala ang pagkakaloob ng honorarium sa mga opisyal at mga miyembro ng SK na kinabibilangan ng chairperson, ng mga kagawad at ng appointed officials.

Ang tatanggaping honorarium ay hindi dapat hihigit sa 25  porsiyento ng kabuuang pondo ng SK at hindi rin dapat na mas mataas sa tinatanggap na kompensasyon ng SK chairperson.

Malinaw rin pong nakasaad sa bahagi ng ating amendement sa RA 10742 na gawing mandato sa SK na sa loob ng 60 araw na pagkakaluklok sa posisyon ay kailangang makapagtalaga na sila ng kanilang Treasurer o Ingat-Yaman.

Ang itatalaga naman pong Ingat-Yaman ay kailangang may educational at career background na may kinalaman sa business administration, accountancy, finance, economics at bookkeeping.

Sa pamamagitan po ng mga pagbabagong ito, umaasa po tayo na mas magagampanan ng ating SK officials ang kanilang mga tungkulin at lalo pang pag-ibayuhin ang kanilang pagiging huwaran sa ating mga kabataan. Sila ang modelo ng kanilang henerasyon sa pakikilahok sa mga pang-araw-araw na kaganapan sa ating mga komunidad, at kung paano makatutulong sa pagpapaunlad ng kani-kanilang pamayanan.

Umaasa tayo na sa lalong madaling panahon, lalagdaan at isasabatas na ito ng ating Pangulo.