LALONG humina ang Philippine peso nang magsara sa P56.37:$1 kahapon mula sa P55.979, ayon sa Bankers Association of the Philippines (BAP).
Pumalo rin ang piso sa P56.45 sa intraday trading, na isang record low na huling naitala noong October 2004.
Ito ang ikalawang pagkakataon na pumalo ang piso sa P56 level ngayong taon.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) chief economist Michael Ricafort, ang paghina ng piso nitong Martes ay dahil sa inilabas na latest trade data, na nagpapakita ng paglaki ng deficit noong Mayo.
“It is interesting to note that back in 2004-2005, the high was capped at P56.40 levels for about two years,” aniya.
Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang balance of trade in goods (BoT-G) ay nagtala ng $5.678-billion deficit noong Mayo, mas mataas sa $5.438-billion deficit noong Abril at sa $3.180-billion deficit sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Binanggit din ni Ricafort ang paglakas ng US dollar kontra major global currencies tulad ng euro at Japanese yen.