PATULOY sa pagbulusok ang halaga ng piso kontra US dollar, na pumalo sa P57:$1 nitong Martes, ang pinakamababa sa loob ng halos 17 buwan.
Mula P56.808: $1 noong Lunes, ang piso ay humina ng 19.2 sentimos nitong Martes.
Ito na ang pinakamababang halaga ng piso kontra dolyar mula noong November 22, 2022, na P57.375.
Ang pagsadsad ng piso ay kasunod ng pag-igting ng tensiyon sa Middle East, makaraang magpakawala ang Iran ng mga sumasabog na drones at missiles laban sa Israel noong Sabado.
“… The gauge of the US dollar closed at new 5.5-month highs amid geopolitical risks or increased tensions in the Middle East, after top Israeli military officials signaled possible response/retaliation to Iran’s weekend drone and missile attacks on Israel that were foiled over the weekend,” wika ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort.
Tinukoy rin ni Ricafort ang pagganda ng retail sales data sa United States, na maaaring magpababa sa tsansa na tapyasan ng Federal Reserve ang rates nito.
Ang paghina ng piso ay kasabay rin ng pagdausdos ng local stock market ng Pilipinas ng 157.46 points o 2.40% sa 6,404.97, habang bumaba rin ang All Shares index ng 68.26 points o 1.96% sa 3,409.85.
“Philippine shares experienced the largest sell off year to date as the market touched the 6,400 level, falling 2.4%, spurred by increased yields and heightened worries over escalating tensions in the Middle East, triggered by Iran’s airstrike on Israel last Saturday,” pahayag naman ni Regina Capital Development Corp. head of sales Luis Limlingan sa hiwalay na komento.