SUMADSAD ang halaga ng piso kontra dolyar sa ika-6 na sunod na trading day kahapon kung saan nagsara ito sa pinakamababang lebel sa loob ng 11 taon.
Ang local currency ay nabawasan ng 21 centavos upang magsara sa P53.48:$1 mula sa P53.27:$1 noong Huwebes. Ito ang pinakamahina sa loob ng halos 12 buwan magmula nang magsara ang local currency sa P53.55:$1 noong Hunyo 29, 2006.
Ayon sa isang foreign exchange trader mula sa isang local bank, ang piso ay bumagsak laban sa greenback, habang ilang market players ang umaasa na pananatilihin ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang rates nito kahit patuloy ang pagsipa ng inflation sa bansa.
“Locally, it’s anyone’s guess what the BSP will do Wednesday,” anang trader.
Ang policy meeting ng Monetary Board ng BSP ay nakatakda sa Hunyo 20.
Naunang sinabi ni BSP Governor Nestor Espenilla Jr. na pag-aaralang mabuti ng Monetary Board ang inflation data at iba pang economic factors sa meeting, kung saan magpapasiya sila kung kinakailangang magkaroon ng pagbabago sa monetary policy.
Ang inflation ay isa sa mga pangunahing isinasaalang-alang ng Monetary Board sa pagpapasiya kung babaguhin o hindi ang policy rates. Noon lamang nakaraang buwan, nagpasiya ang body na itaas ang rates ng 25 basis points (bps).
Comments are closed.