LUMAKAS ang Philippine peso laban sa US dollar sa pagsisimula ng linggo dahil sa inaasahang pagtataas ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa policy rates nito.
Ang local currency ay umangat ng 30 centavos upang magsara sa P52.85:$1 mula sa P53.15 noong Biyernes.
“Expectations of a strong move by BSP fueling the appreciation,” wika ni Jonathan Ravelas, chief market strategist sa BDO Unibank Inc.
Ang policy-setting Monetary Board ay nakatakdang magpulong sa Huwebes upang talakayin ang key policy rates.
Umaasa ang Manulife Asset Management and Trust Corp. na itataas ng Monetary Board ng BSP ang interest rates sa policy meeting nito.
“The BSP has guided for a strong policy action so we think it’s 50 basis points,” wika ni Manulife Asset Management president and CEO Aira Gaspar.
Itinaas ng central bank ang benchmark interest rate nito noong Mayo at Hunyo sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin.
Noong Mayo at Hunyo ay itinaas ng Monetary Board ang overnight borrowing rate ng tig-25 basis points, para sa kabuuang 50 basis points ngayong taon. Bago itinaas ang key rate noong nakaraang Mayo 10, hindi ito ginalaw ng board sa loob ng halos apat na taon.