SA ika-5 sunod na trading day ay sumadsad ang piso kontra dolyar at bumalik sa P59:$1 level upang pantayan ang record-low na huling naitala, tatlong linggo na ang nakalilipas.
Ang local currency ay humina ng isang sentimo upang magsara sa P59:$1 mula P58.99:$1 noong Miyerkoles.
Napantayan nito ang record-low na naitala noong October 2022, at naiposte rin noong November 26.
Ang halaga ng piso ay nasa P58:$1 level sa malaking bahagi ng December, at humina nitong Huwebes kasunod ng pag-anunsiyo sa panibagong 25-basis-point rate cut ng Monetary Board ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
“The US dollar/peso exchange rate was slightly higher… after the latest -0.25 local policy rate cut and slightly higher inflation estimate for 2025,” pahayag ni Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) chief economist Michael Ricafort sa isang komentaryo.
Inaasahan ngayon ng central bank ang inflation na mag-average sa 3.2% ngayong taon, mas mataas sa 3.1% forecast na iniulat noong October, sa likod ng weather disturbances sa nakalipas na dalawang buwan.
Sinabi pa ni Ricafort na ang paghina ng piso nitong Huwebes ay dahil sa inilabas na datos sa payments position ng bansa noong November, kung saan nagtala ang balance of payments (BOP) ng $2.276-billion deficit, ang pinakamalaki sa loob ng mahigit dalawang taon magmula nang maitala noong September 2022 ang $2.338-billion deficit.