MAPAPANOOD na ang pinakahihintay na matinding paluan sa pamosong Roligon Mega Cockpit sa Paranaque sa pagbabalik ng aksiyon sa ‘Pistahan sa Mega’ 5-cock derby na may garantisadong P3 milyong papremyo simula sa Abril 21.
Sisimulan ang largahan sa gaganaping 2-cock elimination na may day champion prize na P100,000 sa Abril 21. Nakalinya rin ang iba pang 2-cock eliminations sa buwan ng Abril para sa unang 100 kalahok sa Abril 25 (Lunes), at Abril 28 (Huwebes).
Kasado na rin ang labanan sa promosyon ng Mega Promotion at pagtataguyod ng Thunderbird – The Winning Formula sa pagpapatuloy ng 2-cock elims sa Mayo 2, (Lunes), Mayo 5 (Huwebes), Mayo 12 (Huwebes), Mayo 16 (Lunes) at Mayo 19 (Huwebes).
Magsisilbing host sa kompetisyon si Ka Lando Luzong & Friends. May entry fee na P4,400 at minimum bet na P4,400.
Naghihintay ang P1.7 milyong premyo sa tatanghaling kampeon sa 3-cock Finals na nakatakda sa Mayo 23 (Lunes). Paghahataian ang P800,000 ng day champions (P100,000 per elims sa Roligon), habang may matatanggap na P400,000 ang entries na makaka-4 na puntos. May premyong P100,000 naman ang handler at P50,000 sa gaffer.
Ito ang unang pagkakataon na magbabalik sa Roligon ang aksiyon matapos ang halos dalawang taong lockdown bunga ng COVID-19 pandemic. Kamakailan, ibinaba na ng Inter-agency Task Force (IATF) sa Alert Level 1 ang alert status sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan sa Luzon, gayundin sa ilang piling lugar sa Visayas at Mindanao. EDWIN ROLLON