UMISKOR si Cade Cunningham ng 40 points upang pangunahan ang Detroit Pistons, na nalusutan ang career-high 53 points ni Anthony Edwards, sa 119-105 panalo kontra Minnesota Timberwolves noong Sabado.
Nakahanap ng maraming paraan si Edwards, na nagpahayag ng pagkadismaya makaraang mag-average lamang ng 16.3 points sa nakalipas na tatlong laro sa harap ng matinding double-team defense, para makaiskor.
Ipinasok niya ang 16 sa kanyang 31 shots mula sa field, kabilang ang 10 of 15 mula sa three-point range, at isinalpak ang 11 sa kanyang 12 free-throw attempts.
Subalit nakakuha lamang siya ng maliit na scoring support at naghabol ang Timberwolves sa kabuuan ng laro sa isang Pistons team na pinamunuan ni Cunningham, na naitala ang kanyang season high sa points at nagdagdag ng 6 rebounds at 9 assists.
Hindi tulad ni Edwards, si Cunningham ay may sapat na suporta mula sa kanyang teammates.
Nagdagdag si Malik Beasley ng 23 points mula sa bench para sa Pistons, tumipa si Tobias Harris ng 16 points at kumalawit ng 11 rebounds at tumapos si Ausar Thompson na may 10 points, 10 rebounds, at 6 steals.
Sa San Antonio, kumamada si Nikola Jokic ng 46 points at humugot ng 10 rebounds para sa Denver Nuggets, na sinira ang ika-21 kaarawan ni Victor Wembanyama sa 122-111 overtime victory laban sa Spurs.
Nagposte si Wembanyama ng 20 points, 23 rebounds, 3 assists, at 4 blocked shots.
Subalit hindi nakaiskor ang French star — na ang late-game heroics ay nagselyo sa panalo ng Spurs kontra Nuggets sa Denver noong Biyernes — sa overtime.
Gumawa si Harrison Barnes ng 22 points para sa San Antonio at nagdagdag si Devin Vassell ng 19.
Naitabla ni Vassell ang talaan sa 108-108 sa isang put-back basket, may 14 segundo ang nalalabi sa regulation.
Nagmintis si Jokic sa potential game-winner subalit kumana ng 9 points sa extra session, nang ma-outscore ng Nuggets ang Spurs, 14-3, upang makalayo.
Nagdagdag ang Serbian star, na kinuha ang ika-3 NBA Most Valuable Player award noong nakaraang season, ng 10 assists, 2 steals at isang pares ng blocked shots.
Sa Brooklyn, tumapos si Joel Embiid na may 28 points at 12 rebounds upang pangunahan ang Philadelphia 76ers sa 123-94 panalo laban sa short-handed Nets.
Tumabo si Tyrese Maxey ng 18 points habang umiskor sina Paul George at Caleb Martin ng tig- 17 para sa Sixers, na angat sa 64-47 sa halftime.
Samantala, naitakas ng Portland Trail Blazers, sa pangunguna ni Anfernee Simons na may 28 points, ang 105-102 panalo kontra Bucks sa Milwaukee.
Isinalpak ni Simons ang isang hree-point play, may 23.5 segundo ang nalalabi, upang bigyan ang Trail Blazers ng isang puntos na bentahe.
Matapos ang turnover ni dating Blazer Damian Lillard, ibinuslo ni Simons ang pares ng free-throws, may 5.4 segundo sa orasan, upang selyuhan ang panalo.
Nanguna si Giannis Antetokounmpo para sa Milwaukee na may 31 points at 11 rebounds.
Nakakolekta si Lillard ng 16 ngunit nagmintis sa potential game-tying three-pointer sa final second.
Ipinagdiwang ng Los Angeles Clippers ang season debut ni two-time NBA champion Kawhi Leonard sa 131-105 victory laban sa Atlanta Hawks.
Si Leonard ay hindi naglaro magmula noong April 26, lumiban sa 12 sa huling 14 games ng Clippers noong nakaraang season dahil sa pamamaga ng kanang tuhod.
Kasama si Leonard sa starting lineup at umiskor ng 12 points, kabilang ang isang three-pointer kontra Atlanta’s standout rookie Zaccharie Risacher.
Nagdagdag si Leonard ng 3 rebounds, 1 assist at 1 steal sa wala pang 20 minutong paglalaro.
Binalewala ng Golden State Warriors, tinampukan ng 24 points mula kay Andrew Wiggins at 17 ni Dennis Schroder, ang pagliban ni superstar Stephen Curry upang gapiin ang Memphis Grizzlies, 121-113.
Sa Chicago, kumana si Coby White ng 9 three-pointers tungo sa 33 points, umiskor si Zach LaVine ng 33 at nagdagdag si Nikola Vucevic ng 22 points at 12 rebounds para sa Bulls sa 139-126 panalo kontra New York Knicks.