PISTONS NAKAHABOL SA PLAYOFFS

Luke Kennard

NAGBUHOS si Luke Kennard ng 27 points, at nagdagdag sina Reggie Jackson ng 21 points at Andre Drummond ng 20 points at 18 rebounds nang kunin ng Detroit Pistons ang huling playoff spot sa Eastern Conference sa pamamagitan ng 115-89 panalo laban sa New York Knicks noong Miyerkoles ng gabi.

Makakasagupa ng Pistons ang top-seeded Milwaukee Bucks sa opening round.

Umiskor si Jackson ng 14 points at nag-ambag si Drummond ng 10 points at 7 rebounds sa first quarter at umabante ang Pistons ng hanggang 16 points.

Tumipa si Wayne Ellington ng 12 points  para sa Pistons, na hindi nakapasok sa playoffs magmula noong 2015-16 season, ang huling pagkakataon na tumapos sila na mataas sa .500 (44-38).

Nanguna si John Jenkins para sa Knicks na may 16 points, at nagdagdag si  Kadeem Allen ng  13. Gumawa si Henry Ellenson ng 12 points, at nakalikom sina Mitchell Robinson at Isaiah Hicks ng tig-11.

NUGGETS 99, TIMBERWOLVES 95

Tumapos si Nikola Jokic na may 29 points at 14 rebounds nang kunin ng Denver ang No. 2 seed sa Western Conference playoffs sa pamamagitan ng panalo laban sa Minnesota.

Nagdagdag si James Murray ng 17 para sa Nuggets, na nasa postseason sa unang pagkakataon sa anim na taon at makakaharap ang seventh-seeded San Antonio.

Nag-ambag si Gorgui Dieng ng 18 points para sa Timberwolves backups at kumana si rookie Ca­meron Reynolds ng career-best 17 points, kabilang ang isang  3-pointer na nagbigay sa Minnesota ng 95-84 kalamangan, may 4:01 ang nalalabi.

TRAIL BLAZERS 136, KINGS 131

Tumirada si rookie Anfernee Simons ng career-high 37 points sa kanyang  first start sa season at kinuha ng Portland ang No. 3 seed sa Western Conference gamit ang anim na players lamang sa panalo kontra Sacramento.

Nanalo ang Blazers ng 14 sa 17 games tungo sa kanilang ika-6 na sunod na biyahe sa playoffs. Sisimulan ng Portland ang post-season laban sa Oklahoma City Thunder, na tumapos sa ika-6 na puwesto.

Nanguna si Marvin Bagley III para sa Kings na may 20 points.

NETS 113, HEAT 94

Naitala ni Dwyane Wade ang huling triple-double bago ang kanyang pagreretiro, at tutungo ang Brooklyn sa Philadelphia upang harapin ang 76ers sa  first round ng Eastern Conference playoffs makaraang kunin ang panalo at ang No. 6 seed.

Tumipa si Wade ng 25 points, 11 rebounds at 10 assists sa kanyang final NBA game kung saan nag-cheer ang malalapit na kaibigang sina LeBron James, Chris Paul at Carmelo Anthony mula sa courtside seats.

Kumamada si D’Angelo Russell ng 21 points sa pitong 3-pointers para sa  Nets, na makakabangga ang third-seeded 76ers simula ngayong weekend sa kanilang ­unang postseason ­appearance magmula noong 2015.

Ang iba pang resulta: Clippers 143, Jazz 137, OT; Thunder 127, Bucks 116; Magic 122, Hornets 114; Spurs 105, Mavericks 94; Grizzlies 132, Warriors 117; 76ers 125, Bulls 109; Pacers 135, Hawks 134.

Comments are closed.