PITAKA NG MAMAMAHAYAG ISINAULI NG SEKYU

CAVITE – LAKING pasasasalamat ng mama­mahayag nang maisauli kahapon ng umaga ng isang sekyu ang kanyang pitaka matapos na magbayad ng amelyar sa Bacoor City Hall.

Pasakay na sana ng inarkilang grab ang local media ng Pulso ng Makabagong Caviteño na si Rebecca Velasquez nang tawagin siya ng sekyu na si Ronaldo Felinio ng Aquarius Security Agency na naka-duty sa Bacoor City Hall.

Hinabol ng sekyu si Velasquez dala ang naiwang pitaka upang isauli ito na naglalaman ng P6,000 cash, iba’t ibang ids, at mga resibo.

Inalok ni Velasquez ng pabuya ang naturang sekyu subalit mariin itong tinanggihan.

“Trabaho po namin ito. Marapat lamang po na isauli namin ang anumang bagay na naiwan o nakalimutan ng sinumang tao na pumupunta sa City Hall ng Bacoor, ” pahayag ni Felinio.

Hindi naman makapaniwala ang mamamahayag sa kanyang naging karanasan.

“Maraming-maraming salamat kay Kuyang Sekyu dahil kusang-loob niyang isinauli ang pitaka ko. Hindi ko nga alam na naiwan ko pala iyon noong magbayad ako ng amelyar. Super bait ni Kuya, dahil hindi niya rin kinuha ang inaabot kong pabuya. Sana dumami pa ang katulad niya. Pagpalain nawa siya palagi ng Poong Maylikha”, kwento ni Velasquez.

Si Velasquez ay aktibo at 21 taon ng mamamahayag sa probinsya ng Cavite.

Samantala, nakarating na sa tanggapan ng LGU Bacoor ang ginawang kabutihan ng sekyu.

SID SAMANIEGO