PiTaKa PROGRAM PARA SA OFWs, INILUNSAD

PITAKA

(Nina PAUL ROLDAN at VICKY CERVALES)

NAGLUNSAD ng makabagong Financial Literacy Program para sa mga Overseas Filipino Worker (OFW) at kanilang pamilya na humihimok na paigtingin ang pagtitipid, mag-impok ng pera, at mabawasan ang paggastos.

Nilagdaan nina Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier at   BDO Foundation President Mario A. Deriquito ang isang memorandum of agreement na lilinang sa financial literacy ng mga OFW at kanilang pamilya sa pamamagitan ng paglulunsad ng programang PiTaKa o ‘Pinansyal na Talino at Kaalaman.’

Kasabay ring inilunsad sa programa ang tatlong video na naglalaman ng mga aral at mensahe ng PiTaKa na magsisilbing gabay sa mga Filipinong mi­­g­r­anteng manggagawa at kanilang pamilya upang maayos na magamit ang makukuha o matatanggap nilang remittance at makapag-impok o makapag-invest ang mga ito para sa mas magandang kinabukasan sa oras na bumalik na sila sa bansa.

Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, layunin ng prog­rama na mabigyan ng mas magandang perspektibo ang mga OFW at kanilang pamilya sa tamang pag-iimpok ng pera.

“Ang PiTaKa ay may layuning tulungan ang ating mga bagong bayani at kanilang pamilya na mas lalong maintindihan ang panga­ngalaga ng kanilang kinikitang pera at gaba­yan sila sa maayos na kinabukasan,” wika pa ni Admin. Cacdac.

Nagpapakita ang mga video ng paalala sa OFW kaugnay sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS); ang ikalawang clip naman ay tumatalakay sa Post-Arrival Orientation Seminar (PAOS), habang ang huling campaign material ay naglalaman ng ge-neral guidelines para sa mga pamilya ng OFW, at hikayating bawasan ang paggastos ng mga iito sa hindi naman mahahalagang bagay.

“Ginawa ang mga video upang madaling makapukaw ng atensyon at mas maraming OFW sa ibang bansa at sa Fi-lipinas ang maabot gamit ang social media. Mala-king bagay rin ito sa mga kampanya para sa financial literacy sa gobyerno at sa pribadong sector,” dagdag pa ni Cacdac.

Sa pamamagitan ng adbokasiyang ito, umaasa ang OWWA na makapagbibigay ng maayos na kinabukasan sa mga OFW upang hindi na nila piliin pang umalis ng bansa.

Sa ilalim ng prog­rama, lilinangin ang session guide trainings kit, magsasagawa ng Training of Trainers (TOT) para sa mga OWWA trainer, at OWWA Accredited PDOS/PAOS provider upang matiyak na magiging epektibo ang pagpapatupad ng nasabing programa.

Sa panig naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), ang pakikipagtulungan ng OWWA at BDO Foundation para sa programang PiTaKa ay napakalaki ang maitutulong upang magkaroon ng mas ma-lawak na kaalaman ang mga OFW gayundin ang kani-kanilang pamilya sa pananalapi at kung paano maaalagaan para maga­mit ito sa pagkamit ng kanilang mga pa­ngarap sa buhay o magandang kinabukasan.

Gayundin, matututo ang mga OFW na maisaayos ang kanilang kinikita na magiging daan upang tuluyang mabayaran ang mga inutang at sa huli ay makapag-ipon para sa kinabukasan ng pamilya.

Ayon kay BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier, sa kasalukuyan ay wala pang 2% mula sa pamilya ng isang OFW ang nag-iimpok sa bangko dahil mas inuuna ng mga ito ang pangunahing pangangailangan, lalong-lalo na ang pa-ngangailangan sa pagkain.

Sa ilalim ng PiTaKa program, layon ng BSP, OWWA at BDO na mabago ang sistema sa pag­hawak ng kinikita at tamang pag-iipon at gayundin ang makabuluhang paggastos.

Ipinagmalaki naman ni  BDO Foundation President Mario A. Deriquito na noong nakaraang taon ay na-kipagsanib-puwersa ang BDO Foundation sa BSP at Department of Education (DepEd) para maituro ang financial education program sa mag-aaral at kung paano ang tamang pag-iimpok.

Sa patuloy na pagpapalawak ng programa hinggil sa financial li­teracy, ang mga OFW ang tututukan ng pinagsanib na puwersa ng BSP, OWWA at BDO Foundation upang mapaunlad ang kaalaman sa pananalapi gayundin kung paano nakikibahagi sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Isa rin sa pangunahing mensahe ng kampanya ay himukin ang mga OFW at kanilang pamilya na magtipid ng hindi bababa sa 10% ng natatanggap nilang remittance o itabi ito at ilaan sa investment para magamit kung kinakailangan.

Sa datos ng BSP sa taong 2018, umaabot sa mahigit $26.0 bil­yon ang remittance ng OFWs, isang ideyal na benepisyaryo sa tina-target na financial education prog­ram.

Comments are closed.