SINABI ni Trade Secretary Ramon Lopez kamakailan na may plano na para sa Philippine International Trading Corporation (PITC) na mag-import ng bigas para sa fast food chains at maliliit na groceries at supermarkets.
Nagsasagawa na ngayon ang state-run PITC ng pre-screening sa rice retailers na makikinabang sa plano, pahayag ni Lopez sa isang panayam sa 11th Annual World Rice Conference sa Makati City.
“Ang PITC namin is working on importing rice for certain groups, specifically mga fast food chains. Dati ‘yan, umaasa sa trader. Now, because of the liberalization, they can import their requirements aside from sourcing locally,” sabi ni Lopez.
Malamang na magkaroon ng pilot shipment ng isang container sa darating na araw.
Pero sa dalawa hanggang tatlong buwan, kung ang importasyon ay lubos na naipatutupad, ang shipment ay maaaring umabot sa 300 containers.
“PITC will just import directly on behalf of the food chains, for example. And even open it to smaller groceries, supermarkets na hindi maka-import on their own. PITC can consolidate, integrate, and import for them so they get volume discount,” sabi ni Lopez.
“PITC will not make money. It’s just a management fee,” dagdag pa niya, sabay diin na ang panukalang ito ay makatu-tulong sa pananatiling mababa ang presyo ng bigas.