PITONG LABI NG TAO NATUNTON SA BANGIN

Labi

BENGUET – PATULOY pang inaalam ang pagkaka­kilanlan  ng pitong bangkay na natagpuan sa ibaba ng isang bangin sa Poyopoy, Taloy Sur sa bayan ng Tuba.

Nadiskubre ang mga naaagnas na bangkay ng magsimulang umalingasaw ang mabahong amoy na nanggagaling sa gilid ng bangin na kumakalat sa national road.

Ayon sa awtoridad, nakita ng ilang residente sa Taloy Sur ang mga bangkay dahil natunton ang masangsang na amoy mula sa bangin sa Marcos Highway.

Nabatid na ipinagbigay-alam ito sa mga pulis na nagkataong nakatanggap din ng sumbong hinggil sa mga nawawalang kamag-anakan na posible umanong itinapon sa lugar.

Nang tinungo ng  awtoridad ang lugar ay nadiskubre ang limang bangkay sa bangin na may lalim na 30-metro na nag-sisimula ng maagnas.

Habang sinisikap na iahon ay nadiskubre pa ang dalawang bangkay na halos kalansay na.

Hinala ng pulisya na itinapon lang ang mga bangkay sa lugar.

Ayon sa Benguet-PNP, isasailalim sa medico legal exa­mination ang mga bangkay para malaman kung ano ang sanhi ng kanilang pagkamatay na hinihinalang itinapon sa bangin may dalawang linggo na ang nakalipas.

Ayon naman kay Tuba police chief Major James Acod, may ilang indibidwal ang nag-ulat sa mga nawawalang kamag-anak sa probinsya ng Ifugao.

Napag-alaman na ang Sitio Poyopoy ay paboritong tapunan ng salvaged victims noong dekada 80 hanggang 1990. VERLIN RUIZ

Comments are closed.