PITONG ULIRANG GURO SA FILIPINO, HIHIRANGIN NG KWF

KFW

HIHIRANGIN ng KWF ang pitong Uli­rang Guro sa Filipino ngayong 2019 bílang pagkilala sa kanilang natatanging husay sa pagtuturo at paggamit ng wikang pambansa.

Para sa taong 2019, gagawaran ang dalawang guro sa sekundarya at limang guro sa kolehiyo. Masinsinan silang pinili mula sa 139 nominasyon.

Gagawaran sa sekundaryang antas sina Sharon Ansay Villaverde ng Lopez National Comprehensive High School at Joshua E. Oyon-Oyon ng Sorsogon National High School.

Pagpupugayan naman ang mga guro sa kolehiyo na sina Niña Christina L. Zamora ng Philippine Normal University, Maria Eliza Lopez ng Mariano Marcos State University (Laoag), Rodel B. Guzman ng Isabela State University, Julieta Cruz-Cebrero ng JH Cerilles State College (Zamboanga Del Sur), at Rodello Pepito ng Bukidnon State University.

Bukod sa natatanging medalya, inaasahan din ng KWF na patuloy na pasisiglahin ng mga Ulirang Guro ang pagtuturo ng wikang Filipino, pati na ang pagpapalaganap ng katutubong wika at kultura sa kani-kanilang bayan.

Pararangalan ang mga Ulirang Guro sa 1 Oktubre sa National Museum of Fine Arts sa Maynila.

Ang gawad, na nasa ikaanim na taon na, ay isinasabay ng KWF sa pagdiriwang ng Buwan ng mga Guro mula 5 Setyembre hanggang 5 Oktubre.

Bahagi ito ng patuloy na panghihikayat ng KWF na maipalaganap at mapaunlad ang wikang Filipino sa pamamagitan ng mga insentibo, grant, at gawad.

Comments are closed.