UPANG matiyak na handa sa pagdagsa ng mga tao sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong Undas, nagsagawa ng joint inspection ang Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office-Philippines (LTO), Land Transfortation Franchising and Regulatory Board – LTFRB (LTFRB), at InterAgency Council for Traffic – IACT (I-ACT) nitong Sabado.
Sa pag-iikot sa terminal, isa sa mga unang tiningnan ng mga opisyal na pinangunahan ni DOTr Undersecretary Mark Steven C. Pastor at LTO Aassistant Secretary Teofilo E. Guadiz III, ay ang roadworthiness ng mga sasakyan, ang kondisyon ng mga gulong, headlights, wiper, bukod sa iba pa, upang tiyaking magiging ligtas at hindi maantala ang pagbiyahe ng mga pasahero nito.
“Prayoridad natin ang kaligtasan ng ating mga pasahero. Ngayong karamihan sa ating mga kababayan ay uuwi sa mga kalapit at malalayong mga probinsya, kinakailangang nasuring mabuti ang ating mga pampublikong sasakyan upang maiwasan ang anumang insidente sa daan,” pahayag ni Usec. Pastor.
Nagsagawa rin ng license verification ang LTO gamit ang kanilang handheld device upang siguruhing lehitimo ang lisensya ng mga drayber sa PITX.
Binisita rin ng mga opisyal ang help desks na inilagay malapit sa pinakang entrada ng PITX na magbibigay ng tulong sa mga pasahero ng terminal.
Ngayong mayroon papalapit na namang bagyo, nagbigay paalala rin ang DOTr sa lahat ng mga bibiyahe na maghanda at antabayanan ang kalagayan ng panahon.
“Para sa ating mga kababayan, bumili na po tayo in advance ng ating mga ticket at patuloy po nating i-check ang schedule ng mga biyahe. Patuloy din pong magbibigay ng travel information updates ang DOTr para sa mga biyaheng nakansela dahil sa bagyo,” dagdag pa ni Usec. Pastor.
Bukod kay Usec. Pastor at Asec. Guadiz, kasama ring nag-ikot sa PITX sina LTFRB OIC-Chairperson Riza Marie T. Paches, LTFRB Board Member Mercy Jane Paras-Leynes, I-ACT Chief Charlie Apolinario E. Del Rosario, LTO NCR-West Regional Director Rox I. Verzosa III, at PITX Corporate Affairs and Government Relations Head Jason Salvador.
Ang OPLAN Biyaheng Ayos: Undas 2022 ay ipinatupad nitong Sabado, Oktubre 28, at tatagal hanggang Nobyembre 3, 2022. EVELYN GARCIA