ISANG napakagandang proyekto ang kamakailan ay inilunsad. Ito ay ang Parañaque Integrated Terminal Exchange o mas kilala sa tawag na PITX. Ang PITX ang kauna-unahang landport sa Filipinas at nagsimula ang commercial operation nitong buwang kasalukuyan. Isa ito sa flagship projects ng pamahalaang Duterte na layong maibsan ang traffic sa Kalakhang Maynila.
Ang traffic ang isa sa pinakamalaking suliranin kaya tuloy-tuloy ang pagsisikap ni Pangulong Duterte at ng kanyang administrasyon na ayusin ito. Ayon sa Megawide, project proponent ng PITX, isang world-class experience at passenger-friendly systems, multi-modal connections at malawak na commercial options ang available sa terminal na may kapasidad na 200,000 passengers.
Mga pasahero mula sa South, partikular sa Cavite at Batangas patungong Kalakhang Maynila, gayundin ang mga may biyahe mula Kalakhang Maynila patungong South ang lubos na makikinabang dito. Ease of transfer o maginhawang paglalakbay sa pamamagitan ng bus, taxi, FX, jeepney at iba pang public transport ang inaasahan dito.
Hindi lamang traffic ang masosolusyunan nito kundi pati na rin ang pagtukoy sa mga colorum o illegal bus companies at mapipigilan ang mga out of line at ‘yung mga ‘di sumusunod sa nakatakdang ruta nila na malinaw naman sa prangkisa. Kadalasan pang reklamo ng mga pasahero ang cutting trip at ‘yung kung saan-saan lang sila ibinababa. Malinaw na ang intensiyon ay maisaayos na ang dating public transport system.
Nagkaroon na nga ng kasunduan noong Setyembre 12, 2018 sa pamamagitan ng LTFRB memorandum circular na kailangang lahat ng provincial bus at public utility vehicles na may ruta papasok ng Metro Manila ay hihinto na sa PITX. Tiyak maiibsan na ang traffic dahil dito. Kaya lang ay nagkaroon kamakailan ng department order ang DOTR na nagbigay ng exemption sa ilang kompanya ng bus na pumasok pa rin sa Metro Manila, kasama na ang rotang Lawton, Pasay Rotonda, Baclaran, EDSA at Ayala. Kung ganito ang mangyayari ay tiyak na magkakaroon pa rin ng traffic na nais nga ng pamahalaan na ayusin.
Maging ang MMDA ay puspusan ang kampanya laban sa mga terminal ng bus sa EDSA at sa mga kolorum na sasakyan. Sayang naman ang hirap ng lahat ng kinauukulan kung hindi magagamit nang husto ang PITX. Balewala rin ang inaasahang volume reduction sa traffic.
Sana ay wala nang anumang exemption para patas din sa lahat maging ang isa ay malaking provincial bus operator o maliit na kompanya lamang. Ang nais lang naman natin ay mabigyan ng solusyon ang traffic at iba pang suliranin sa transportasyon na kayang ayusin sa pamamagitan ng PITX subalit kung hindi naman ito magagamit nang husto at ayon sa intensiyon ng pamahalaan ay masasayang lang ang pagkakataon na maisaayos ang traffic na ayon sa Japan International Coordinating Agency o JICA ay nagkakahalaga ng tatlong bilyong piso sa lost economic opportunities.
Nawa’y magkaroon na ng Solomonic decision sa issue na ito.
Comments are closed.