MUKHANG may magandang balita para sa mga commuter natin sa Parañaque at karatig lugar ng coastal area ng Cavite at Batangas. Kahapon lamang ay pinasinayaan ng DOTr ang Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX sa may Coastal Road. Ang nasabing terminal ng bus ay tinagurian bilang world-class ang disenyo na tila maaaring maihambing sa airport. Kaso nga lang tinawag itong landport.
Ang PITX ay isang makabagong ‘passenger friendly’ terminal ng bus. Nangangahulugan na hindi ito tulad ng mga lumang terminal ng bus natin na walang kaayusan at kanya-kanya ang kuhanan at sa-kayan ng mga pasahero. May multi-modal connection at maayos na mga tindahan at kainan na kahalintulad sa nakikita natin sa airport. Ayon sa disenyo ng PITX, kaya nilang mag-accommodate ng 200,000 na mga pasahero kada araw. Aba’y malaking terminal nga ito!
Ang PITX ay magsisilbing pinakahuling hinto ng mga provincial bus na nagmumula sa Cavite at Batangas. Dito bababa ang mga pasahero at lilipat sa mga pampublikong mga sasakyan papasok naman ng Metro Manila tulad ng mga city bus, taksi at jeepney. May koneksiyon din ang PITX sa LRT1 upang hindi mahirapan ang mga pasahero na nais gumamit ng tren.
Ang nasabing proyekto ay bahagi ng Build Build Build na programa ng administrasyon ni Duterte. Ito ay upang ayusin ang mga mahalagang impraestruktura na magpapaginhawa sa trapiko at tutulong sa paglago ng ating ekonomiya. Sa katunayan, dumalo si Pangulong Duterte at ang ilan sa mga miyembro ng kanyang gabinete bilang patunay sa halaga ng PITX.
Inaasahan na ang mga bus na sanhi ng trapiko sa gawi ng Taft Avenue at EDSA sa may Pasay City ay mawawala. Ang operasyon ng PITX ay magiging malaking ginhawa sa mga commuter sa lugar ng Baclaran, Parañaque at sa may Lawton sa Maynila dahil mababawasan na ang tagal ng paghintay nila upanag makasakay sa pampublikong transportasyon.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade na ang PITX ay isang patunay na kapag nagtulungan ang pribado at pampublikong sektor ng lipunan ay makakamit ang ganitong klaseng mga proyekto na maaaring maihambing bilang world-class standard.
Ang PITX ay isang Build–operate–transfer (BOT) concession na napanalunan ng Megawide. Kilala ang nasabing kompanya na sumasali at nagwawagi sa mga ganitong klase na malalaking proyekto ng gobyerno. Sila rin ang nagwagi upang itayo at i-operate ang Mactan-Cebu International Airport na ngayon ay tatawagin na bilang Lapu-Lapu International Airport.
Comments are closed.