Ni CT SARIGUMBA
ARAW-ARAW nga naman ay nag-iisip ang bawat ina o nanay kung ano ang swak ihanda sa kanilang pamilya. Hindi lamang din isang klase ng putahe ang niluluto sa araw-araw kundi dalawa hanggang tatlong putahe o klase. Kailangan nga namang maghanda ng pagkain sa agahan, tanghalian at hapunan. Hindi pa kasama riyan ang merienda.
Kung minsan dumarating ang panahong kinatatamaran ng bawat nanay ang pag-iisip ng mga putaheng magugustuhan ng kanilang pamilya. Kung araw-araw mo nga naman itong ginagawa, paniguradong mauubusan ka ng ideya.
Kapag pa naman paulit-ulit lang ang inihahanda natin sa ating pamilya, pinagsasawaan nila. Paano kung hindi sila nakakain ng maayos, manghihina sila at baka hindi pa nila magampanan nang mabuti ang kanilang mga obligasyon—sa trabaho o sa eskuwelahan.
Kaya naman, bilang nanay ay nararapat lang na maging creative tayo at matiyaga sa pag-iisip ng mga pagkaing madali lang lutuin pero kung sarap at sarap ang pag-uusapan, ‘di ito magpapahuli. O kayang-kayang lamangan ang mga putaheng inihahanda sa restaurant o kilala at mamahaling kainan.
Pizza at pasta, sino nga naman ang aayaw sa mga pagkaing ito. Hindi nga naman ito nawawala sa kahit na anong handaan—simple man o bongga.
Kunsabagay, kung may mga pagkain nga namang kinahihiligan ang marami sa atin, iyan ang pizza at pasta. Wala nga naman itong kasing sarap. Napakadali lang ding umorder o gumawa. Swak din naman sa bulsa ang presyo nito.
Dahil mahilig nga naman sa pizza at pasta ang marami sa atin, puwedeng-puwede natin itong pagsamahin. Kumbaga, maaari tayong makagawa ng Pizza Pasta Casserole.
Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang Italian sausage, hiniwa-hiwang sibuyas, Italian seasoning, oregano leaves, garlic powder o tinadtad na bawang, red pepper flakes, asin at paminta, bell pepper, chicken broth, marinara sauce, mozzarella cheese o kahit na anong klase ng cheese na mayroon kayo at ang panghuli, ang pepperoni slices. Puwede rin naman ang hiniwa-hiwang ham kung wala kayong pepperoni slices.
Paraan ng paggawa:
Ihanda ang lahat ng kakailanganing mga sangkap. Pagkatapos ay lutuin ang pasta ayon sa nakasulat sa instruction. Huwag lalagyan ng asin. Kapag naluto na ang pasta, i-drain na ito at ibalik sa lutuan.
Magsalang ng lutuan, pagkatapos ay i-saute ang sibuyas at Italian sausage. Haluin hanggang sa maluto.
Pagkatapos ay isama na rin ang iba pang mga sangkap gaya ng oregano leaves, garlic powder o tinadtad na bawang, red pepper flakes, asin at paminta, bell pepper, chicken broth at marinara sauce.
Hatiin sa dalawa ang pasta. Pagkatapos ay ilagay ang kalahati sa lutuan at lagyan ito ng mixture o sauce. Budburan ng cheese. Ulitin lang ang proseso sa natitirang pasta at sauce. Budburan ng cheese at ilagay na rin sa ibabaw ang pepperoni slices o ham slices.
I-bake na ito sa 350 degrees sa loob ng 30 minuto o hanggang sa maluto.
Puwede mo ring pasarapin pa itong lalo at lagyan ng mga sangkap na sa tingin mo ay pasok sa panlasa ng iyong pamilya. Maaari rin kasing samahan ito ng mushroom at olives.
Simple lang hindi ba, may maihahanda ka na namang bago para sa iyong pamilya.
Kaya naman, ano pang hinihintay ninyo, magluto na nang matikman ang kakaibang linamnam nito.
Sigurado ring hahanap-hanapin ito ng inyong buong pamilya.
Sa totoo lang ay napakarami nating puwedeng lutuin sa ating pamilya na kakaiba at walang katulad ang sarap. Maging madiskarte lang tayo. Gamitin ang kakayahan sa kusina.
O kaya naman, mag-research nang hindi maubusan ng ideya sa kung ano ang swak iluto na bukod sa masarap ay pasok pa sa budget.