PLANO sana ni Peter Jun Simon na isang conference pa siya maglalaro para sa Magnolia Hotshots ngunit hindi na ni-renew ng management ang kanyang kontrata. Sayang may record pa naman siyang gustong makuha — ang mapabilang sa 50 players na nakahakot ng 5,000 points.
Kailangan na lamang ni Simon ng 35 points ngunit nakabitin na lamang ito sa ere. Halos 17 taon din si PJ sa professional league. Sayang sa ganito lang siya nagpaalam sa kanyang basketball career. Anyway, hindi ka makakalimutan ng mga supporter mo lalo na ang samahan ninyong magkakaibigang sina James Yap at Marc Jean Pingris. Signing off na jersey no. 8.
“Nakalulungkot man pero ito na siguro ‘yung tamang panahon para magpaalam sa liga,” sabi ni Simon.
“Ibinigay ko ‘yung 17 years ng buhay ko sa PBA, sa Magnolia Hotshots, at sa lahat ng fans but now it’s time to focus on my family. My wife is pregnant and gusto ko magkasama kami as we start a family,” pagtatapos niya
o0o
Malamang ay hindi matuloy ang PBA bubble opening sa darating na October 9. Tsika namin ay inurong ito sa October 11. Batch by batch ang pag-alis ng PBA team papuntang Clark, Pampanga kung saan ang first group ay nakatakda sa Sept 28 at ang 2nd batch ay sa Sept 29. Inaayos. mabuti ang mga player at mga kasama sa dalawang buwang pamamalagi sa Clark. Good luck sa lahat. Nawa’y maging matagumpay ang PBA Philippine Cup sa gitna ng pandemic
o0o
Malaki ang pag-asa ng Philippine National Women’s Baseball team na matutuloy pa rin ang paglahok nito sa Women’s Baseball World Cup na
gaganapin sa Nobyembre 12-21 sa Tijuana, Mexico, kahit patuloy ang pagdami ng mga kaso ng COVID-19 sa naturang lugar.
Patuloy ang pag-eensayo ng koponan ni national head coach Edgar “Egay” delos Reyes sa pamamagitan ng online training program sa ilalim ng Zoom applications. Panay rin ang panonood ng iba’t ibang klaseng diskaete upang i-apply ito sa kanyang bagong Lady Batters.
May posibilidad na maurong o makansela ang biennial tournament, hindi gaano nakakapagsanay dahil sa ipinagbabawal pa ito ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID). Isama pa rito ang kakulangan ng pondo upang madala sa isang ligtas na pasilidad ang buong koponan, kung saan bukod sa Rizal Memorial baseball ground, puntirya rin nila na mabitbit ang Lady Batters sa University of the Philippines Los Banos sa Laguna o sa The Villagers sa Clark Field, Pampanga, kung saan ginanap ang men’s baseball event ng 2019 Southeast Asian Games noong isang taon.
“Malaki talaga ang possibility na ma-move ang World Cup this year. Hinihintay lang namin kung ano ang magiging decision ng aming International Federation,” pahayag ni Delos Reyes sa lingguhang TOPS: Usapang Sports On Air, noong Huwebes ng umaga, katuwang ang Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Amusment and Gaming Corporation (Pagcor) at napapanood nang live sa Sports on Air via Facebook.
Comments are closed.