UPANG gunitain ang ika-54 na pagdiriwang ng International Earth Day sa ika-22 ng Abril, iba’t-ibang organisasyon ang naglunsad ng mga inisyatiba at kampanya upang pataasin ang kamalayan ng publiko at himukin ang lahat na harapin ang mga isyung kaugnay ng ating kapaligiran, partikular na ang plastik. Narito ang listahan ng mga kaganapan at aktibidad dito sa bansa para sa 2024 Earth Day celebration.
Ang EarthDay Jam Foundation, Incorporated, sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Quezon, ay magsasagawa ng “Earth Jam Day 2024” sa Sabado, Abril 27, 3 pm, sa SM Novaliches. Tampok dito ang mga jam sessions, exhibits, at film screenings. Libre ito para sa publiko.
Ang Earth Island Institute Asia Pacific, kasama ang Polytechnic University of the Philippines Disaster Resilience Institute, ay magsasagawa ng isang educational webinar ngayong Abril 22, 9 am, sa Zoom. Layunin ng webinar na magbigay ng dagdag na impormasyon tungkol sa plastic pollution, pangangalaga sa ating marine life, at pagtalakay sa sitwasyon ng endangered Irrawaddy dolphin sa Iloilo-Guimaras Straits.
Inaanyayahan ng Kalikasan People’s Network, sa pakikipagtulungan ng iba’t-ibang environmental groups sa Pilipinas, ang lahat na lumahok sa mga aktibidad ngayong Earth Month, kagaya ng environmental summit, bike tours, forums, at art exhibits hanggang Abril 29.
Ang National Confederation of Cooperatives ay maglulunsad ng isang online forum upang talakayin ang mga mahahalagang isyu tungkol sa kapaligiran, kabilang ang mga panganib sa kalusugan na kaugnay ng plastik. Ang webinar ay gaganapin ngayong Abril 22, 2 pm, sa Zoom.
Inaanyayahan ng organisasyong Proyekto Philippines, kasama ang ilang mga grupo at ahensya ng pamahalaan sa Iloilo, ang lahat sa “Earth Warriors Invasion: An Earth Day 2024,” isang buong-araw na aktibidad tampok ang clean-up drives, workshops, at mga policy campaigns. Ito ay gaganapin sa Miyerkules, Abril 24, sa SM City Iloilo.
Iniimbita ng University of the Philippines Visayas University Student Council ang publiko na makiisa sa panawagan para sa climate justice sa pamamagitan ng Panay Environment Summit 2024 ngayong Abril 22, 8 am, sa University of the Philippines Iloilo campus. Tatalakayin sa summit ang mga isyu tulad ng epekto ng Jalaur River mega dam sa ancestral domain ng Tumandok people at ang mga epekto ng pagmimina sa Pan de Azucar, Concepcion sa kabuhayan at sa ating marine resources.
(Itutuloy…)