(Plano ng DOH) TOTAL BAN SA PAPUTOK

paputok

NAIS ng Department of Health (DOH)  na ga­nap nang ipagbawal ang  lahat ng uri ng paputok.

Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ito ang solusyon para walang masugatan sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Legal o ilegal man ang paputok, iginiit ng kalihim na maaari pa rin itong makadisgrasya.

Mas mababa ng 35 porsiyento kumpara sa kaparehong petsa noong nakaraang taon ang mga biktima ng paputok na umaabot sa 164.

Batay sa datos ay  mas maraming naitalang kaso ng firework-related injuries bunsod ng mga legal na paputok kumpara sa mga ipinagbabawal.

Pinakamaraming kaso ng pagkasugat ay bunsod ng kwitis.

Marami ring naitalang kaso ng firework-related injuries na bunsod ng luces, fountain, piccolo at baby rocket.

Samantala, iginiit din ni Senador Sherwin Gatchalian  ang pagbabawal sa mga paputok. “Kung isasabatas natin ang pagbabawal sa mga mapanganib na paputok, magiging mahalagang hakbang ito upang itaguyod ang kaligtasan at kalusugan ng publiko. Bagama’t naging bahagi na ng ating tradisyon ang pagpapaputok tuwing Bagong Taon, walang saysay ang pagpapanatili sa mga ito kung nalalagay naman sa panganib ang ating mga kababayan, lalo na ang mga kabataan,” pahayag ni Gatchalian.

Ang firecracker ban ayon sa senador ay  magpapababa  sa New Year-related injuries at ang le­bel ng polusyon sa hangin.

Ayon sa research institution na  Manila Observatory, particulate matter (PM) 2.5 concentration  mula sa  2013-2019  ay mas mababa kumpara sa  2003-2011. PM2.5  ay ang  fine particle mula sa usok na  mapanganib sa puso, baga at iba pang problema sa kalusugan  kapag nasinghot. Sa kabila ng pagkaunti nito  ay  ang PM2.5 concentration  sa simula ng  2019  ay  mapanganib pa rin.

“Sa pagbubukas ng bagong taon, lagi nating hinihiling ang maayos na kalusugan para sa atin at sa ating mga pamilya pero paglabas ng ating mga bahay ang sumasalubong sa atin madalas ay makapal na usok. Maliban sa mga sugat, ang pangmatagalang epekto ng mga paputok ay ang iba’t ibang malubhang sakit na dulot ng maruming hangin,” dagdag ng senador na nagsampa  noong nakaraang taon ng Senate bill 724  o ang pagbabawal sa pagbebenta,  at paggamit ng  paputok at iba pang pyrotechnic devices.

Sa ilalim ng panukala, ang sinomang nagnanais na magkaroon ng  fireworks displays  ay kaila­ngang humingi ng special permit  mula sa Philippine National Police Fireworks and Explosives Office (PNP-FEO). Ang LGU na ang magbibigay ng lugar  kung saan isasagawa ang fireworks display.

Comments are closed.