PLANO NG LTO NA MAGPALIT NG IT PROVIDER, KINUWESTYON

NAGING mas maginhawa at mabilis ang proseso ang pagre-renew ni House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon (BH party-list Rep. Bernadette Herrera ng kanyang driver’s license kung ikukumpara sa karanasan umano niya noon kaya labis siyang nagtataka bakit nais ng Land Transportation Office (LTO) na bumalik sa dating IT service provider nito ang ahensiya.

“The process was quite efficient, as the steps were mostly contactless and automated,” ang naging paglalarawan pa ni Herrera sa kanyang experience nang i-renew ang lisensiya sa sanggay ng LTO sa P. Tuazon Cubao, Quezon City kamakailan.

Subalit habang nasa waiting area, may naulinigan umano siya na ang tema ng usapan ay ang patungkol sa fully automated na Comprehensive Driver’s Education Exam.

“Dati kasi ‘pag manual ang nagpapa-exam lahat pasado. Kahit walang alam sa pagmamaneho at trapik makakakuha ng lisensya. Binabayaran kasi ang kodigo ng mga sagot,” ang naibubulas ng isang Mang Fred, na nakasabay ng lady solon sa nasabing LTO extension office.

Kaya naman sa kanyang privilege speech, binigyan-diin ni Herrera ang kahalagahan ng digital transformation para mabawasan ang human intervention at maging mabilis ang proseso, pagbibigay-diin niya, mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay itinutulak ang digitalization sa mga ahensiya ng gobyerno.

“I was therefore quite surprised to learn that our LTO – out of supposed frustration due to glitches happening in their provincial offices – is considering to overhaul its entire IT systems infrastructure, and replace its current systems provider,” ani Herrera.

Bukod dito, napuna rin ng BH party-list lawmaker ang pagtuligsa ni LTO Chief Teofilo Guadiz sa kasalukuyang IT provider na Dermalog at umabot sa punto na sinabi umano ng huli na bukas ang ahensya sa pagbabalik ng dating provider na Stradcom.

“Considering his position and the substantial amount involved in the contract, this statement may be considered imprudent or highly irresponsible, to say the least. If anything, it may give rise to public speculation on why the LTO appears to be in a rush to find a new IT supplier – or in this case, revert to a previous one – when they have a signed, active agreement with an existing corporation,” tahasang sabi ni Herrera.
Kung mayroon umanong mga glitches, suhestyon ni Herrera, dapat magkaroon muna ng masusing imbestigasyon kung ang Dermalog ang siyang may kagagawan nito.

Nakatanggap umano si Herrera ng mga impormasyon na inililipat ng mga tauhan ng LTO sa manual mode ang sistema at ibinabalik ang person-to-person transaction. Hindi rin umano magawa ng Dermalog ang lahat ng trabaho nito dahil hindi pa ibinibigay sa kanila ng Stradcom ang kailangan nitong database.

Kaya naman nanawagan si Herrera sa Kamara de Representantes na gamitin ang oversight power nito upang imbestigahan ang isyu kung saan sinabi rin niyang nakatakda siyang maghain ng kaukulang resolusyon para gawing pormal ang pagsusulong niya na magkaroon ng Congressional probe sa nasabing isyu. ROMER R. BUTUYAN