PLANO PARA SA LIGTAS NA PAGBABALIK-ESKUWELA ISINULONG

SEN WIN GATCHALIAN

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) at Department of Health (DOH) na magkaroon ng “safe school reopening plan” bilang paghahanda sa muling pagbubukas ng eskuwela.

Bagaman wala pang desisyon kung kailan magbubukas ang klase para sa School Year (SY) 2020-2021, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat masigurong ligtas ang mga barangay at komunidad laban sa nakamamatay na sakit.

Ayon kay Gatchalian, chairman ng Senate Commitee on Basic Education, Arts and Culture, kailangang malinis nang husto ang mga paaralan, lalo na iyong mga ginamit bilang quarantine facilities. Dapat bago rin ang mga aklat at iba pang mga kagamitan na gagamitin ng mga es-tudyante at guro.

Pinaalala ng senador na dahil halos kalahati ng mga pasyenteng may COVID-19 ay walang sintomas, ang mga mag-aaral, mga guro, at kawani ng mga paaralan ay dapat sumailalim sa COVID-19 testing.

Ani Gatchalian, dapat ipagpatuloy ng pamahalaan ang pagsagot sa mga test na ito sa pamamagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth)  o public-private partnership ng mga lokal na pamahalaan para sa mass testing.

Binigyang diin ng senador, kabilang dapat sa safe school reopening plan ang mga hakbang tulad ng pagsusuri sa temperatura ng bawat isa sa paaralan. Sino mang makaramdam ng mga sintomas tulad ng ubo, lagnat, at masakit na lalamunan ay dapat sumailalim sa isolation o pauwiin agad sa bahay o kaya ay dalhin sa isang pagamutan o anumang medical facility.

Iminungkahi ni Gatchalian ang pagpapanatili sa mga social distancing measures kung saan limitado ang ugnayang pisikal sa pagitan ng mga guro at mag-aaral gayundin, dapat ipagbawal sa mga pagtitipon ng mahigit dalawampung tao sa mga espasyong kasing-laki lamang ng regular na silid-aralan.

Tinukoy rin nito, kailangang magkaroon ng mga sistema at hakbang na magtataguyod sa kalinisan at kalusugan sa paaralan gaya ng pagka-karoon ng sapat at malinis na suplay ng tubig, mga hand washing stations, at public health supplies tulad ng alcohol, sanitizers, at thermometers.

Dagdag ni Gatchalian, patuloy dapat ang mga programang nagsusulong sa tamang paghuhugas ng kamay at iba pang basic hygiene, pati na ang pagpapabakuna.

At kung magkaroong muli ng suspensiyon sa mga klase, dapat may nakahanda  na contingency plan upang siguruhin ang pagpapatuloy ng edukasyon at ang kaligtasan ng bawat isa. VICKY CERVALES

Comments are closed.