(Planong buuin ng bagong DA chief) INTEL GROUP VS KORUPSIYON

PINAG-AARALAN ni newly-appointed Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang pagbuo sa isang  intelligence group na pupuksa sa korupsiyon sa ahensiya.

Si Laurel ay tinanong ng mga mamamahayag nitong Lunes hinggil sa korupsiyon sa  Department of Agriculture (DA) kung saan sumagot siya na wala pa siyang matibay na ebidensiya ukol dito.

“I will be creating my own intelligence group,” pahayag niya sa kanyang unang  briefing bilang agri chief. “One of the directives ni presidente is kung may dumi diyan, clean it up, ‘yan ang isa sa pinakaunang sinabi sa akin ng presidente.”

Sinabi pa niya na gusto ng Pangulo na ipagpatuloy ng ahensiya ang anti-smuggling at anti-hoarding campaign nito, at binigyang-diin na tutugisin nila ang agri smugglers

“In the near future, meron kaming ilalabas bagong administrative orders, projects, para sa origin pa lang ma-address na ito,” aniya.

Nais din ni Laurel na magkaroon ng mas  accurate data sa agriculture production, at sinabing plano niyang buhayin ang  Bureau of Agricultural Statistics para tugunan ang problemang ito.

Sinabi niya ito nang tanungin kung paano niya tutugunan ang isyu sa umano’y over-importation ng meat at poultry products sa bansa.

“The problem I have now is medyo incomplete ang data that is available to me and Usec. Domingo Panganiban, ‘yong data natin hindi ka-accurate (our data is not that accurate). I’m not blaming anybody on this,” aniya.

“Hindi ako pro-importation, I am pro-production,” sabi pa niya.

“We have to import when it’s needed but in order to make a right balance, we have to have the right data to manage properly para mas masaya lahat,” dagdag pa niya.