(Planong ihirit ng mga operator) TAAS-PASAHE SA BUS, UV EXPRESS

KINOKONSIDERA na rin ng mga grupo ng bus at UV express operators ang paghahain ng petisyon para sa dagdag-pasahe sa harap na rin ng tumataas na operational cost, partikular ang presyo ng krudo.

Kinumpirma ni UV Express Alliance of the Philippines Secretary General George Jalandoni na pinalutang nila ang ideya na humiling ng taas-pasahe matapos makipag-usap sa mga jeepney group.

Naniniwala si Jalandoni na mayroon namang balidong rason ang kanilang grupo upang magtaas ng pasahe.

Ito’y kahit pinagbigyan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noon lamang Mayo ang dagdag 50 centavos sa kada kilometero.

Pinag-aaralan na rin ng mga grupo ng provincial at city bus operators ang paghahain ng fare hike petition dahil din sa kahalintulad na rason ng mga UV Express drivers’ group.

Magpupulong ang nabanggit na mga grupo sa susunod na linggo upang isapinal ang kanilang desisyon kung hihirit o hindi ng dagdag-pasahe.

-DWIZ 882