PLANONG PABAHAY PARA SA ISFs TIYAKIN

IGINIIT ni Senador Raffy Tulfo na dapat ay may sapat na plano ang gobyerno para matiyak na maayos ang bahay at lokasyon na paglilipatan sa informal settler families (ISFs).

Sa pakikipag-usap sa National Housing Authority (NHA) at Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) kahapon, inilarawan ni Tulfo ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga mahihirap na ni-relocate sa mga lugar na walang koryente o linya ng tubig, walang maayos na kalsada, at sira-sirang bahay.

Aniya, dapat nakikipag-ugnayan ang mga ahensiyang may kinalaman sa pabahay sa utility companies para masiguradong mayos ang mga pabahay.

“May mga reklamo akong natatanggap mula sa mga mahihirap nating mga kababayan na ang mga bahay na pinaglipatan sa kanila ay walang koryente, walang tubig, hindi maayos ang sewage system, sira-sira ang dingding, tumutulo ang bubong at malamok.

“Minsan mas mabuti pa nga ang mga tangkal ng mga baboy: may koryente, may tubig, may tamang ventilation. Ang mga tao sa mga resettlement areas, kawawang-kawawa,” saad ni Tulfo.

Sinabi ni Tulfo na dapat ay tanggalin na ang minimum na bilang ng tao na nire-require ng utility companies bago magkabit ng linya ng tubig o koryente dahil ito ang dinadahilan nila kung bakit hindi makabitan ng linya ang ilang komunidad.

Samantala, iminungkahi naman ng Senador mula sa Isabela at Davao na gamitin ang National ID system para madaling makilala ang mga ISF at professional squatters na sinasamantala ang government housing program.

Ibinahagi niya na may mga propesyonal na squatters na nagbebenta ng ari-arian na iginawad sa kanila bago maghanap nanaman ng ibang malilipatan na tirahan.

Dagdag pa nito, dapat maglagay ng mga barangay at police outposts sa mga resettlement area upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan at maiwasan ang mga krimen sa komunidad. VICKY CERVALES