(Planong pag-angkat buking) SIBUYAS TARGET NG AGRI SMUGGLERS

UMUUSOK sa galit na binoljak ni Senadora Imee Marcos ang Department of Agriculture (DA) matapos madiskubre na ang importasyon naman ngayon ng puting sibuyas ang tinatarget ng mga sindikatong ‘agricultural smuggler’ dahil sa umano’y kakapusan ng supply sa bansa.

Ito’y kahit pa sapilitan nang nagbitiw ang isang mataas na opisyal ng DA makaraang mabuko ang planong importasyon ng asukal pero ibinasura ni Pangulong Bongbong Marcos.

” Maging babala na ito sa lahat,” diin ni Marcos. “Buking na namin ang nangyayaring modus operandi.

Lumang tugtugin na iyan. Paulit-ulit na lang, eh,” ayon kay Marcos.

“Una, nagpupuslit sila. Sumunod nag-iimbento na sila ng kakapusan, kaakibat pa kuno ang lehitimong permiso ng importasyon,” paliwanag ng senadora. “Sa susunod na linggo, ‘di na ako magtataka kung babaha ng mga puslit na sibuyas sa mga palengke na saklaw ng lehitimong order ng nakalululang kantidad.”

Sa kasagsagan ng kabalastugan sa importasyon ng asukal nitong nagdaang linggo, nasabat ang P36 million na halaga ng mga ipinuslit na sibuyas na deklaradong “spring roll patties” at “plain churros” sa Misamis Oriental.

Hanggang ngayon, hindi naman naniniwala si Marcos na may kakapusan ng puting sibuyas dahil wala namang naiprisintang mga imbentaryo nito vis-a-vis pagtatanim at sa panahon ng anihan.

“Pinaimbestiga sa DA kung may kakapusan ng puting sibuyas, gayundin sa asukal at porcine PAP (processed animal protein). Pero bokya na naman sa datos ang ahensiya, puro lang sabi-sabi na ‘Wala po talagang laman ang mga bodegang pinuntahan namin,’ ” paliwanag pa ni Marcos.

‘Tama na buking na! Hindi na kami magpapaloko!” patuyang sinabi ni Marcos.
VICKY CERVALES