PLANONG PAGPALIT NG PANGALAN NG NLEX SA MHDPEX, ANO KAMO?

Magkape Muna Tayo Ulit

HAY naku. May nabasa akong balita na may planong palitan pala ang kilalang North Luzon Expressway (NLEX) at kapag naipasa ito bilang isang batas, ito ay tatawaging Marcelo H. Del Pilar Expressway o MHDPEX. Ha! Bakit?

Ayon sa balita, ang House of Representatives ay inaprubahan na ang House Bill 8958 (HB 8958) na naghahangad palitan ang pangalan ng NLEX sa MHPDEX.

Ayon sa nasabing batas, ito raw ay magpapaalala sa atin sa mga kabutihang nagawa ng ating bayani na si Marcelo H. Del Pilar upang magbigay inspirasyon sa sambayanan sa kanyang walang pag-iimbot na serbisyo sa ating bayan at nag-antig sa pakikibaka natin sa mga dayuhang mananakop na nagsilbing pagkakaisa ng mga Filipino laban sa mga Kastila. Hanep.

Hindi ko minamaliit ang mga nagawa ng ating bayani na si Marcelo H. Del Pilar. Tulad ko na manunulat, naging gabay at in-spirasyon si Del Pilar sa karamihan ng mga manunulat sa media. Sa katunayan, nagtatag ang mga beteranong mamamahayag ng Samahang Plaridel (binaligtad na Del Pilar) na tinuturing na “Ama ng mga Filipinong Mamamahayag”. Matatandaan na si Plaridel ang utak ng diaryong La Solidaridad na nagsilbi bilang tagapagsiwalat ng mga pang-aabuso ng mg Kastila na naging ugat ng 1896 Revolution.

Kaya naman hindi ko maaarok ang diwa sa likod ng HB 8958 upang ilagay ang pangalan ni Del Pilar sa NLEX. Hindi lamang sa lalawigan ng Bulacan bumabagtas ang NLEX. Nandiyan din ang Pampanga at Tarlac. Bakit hindi isinama si Jose Abad Santos na ipinanganak sa San Fernando, Pampanga? Bakit hindi rin parangalan si Heneral Fransisco Macabulos na taga-La Paz, Tarlac na lumaban sa mga Kastila?

Kung ganu’n, dapat tatawagin itong Marcelo H. Del Pilar-Jose Abad Santos-Fransciso Macabulos Expressway o MHDP-JASFMEX! E ‘di mas lalong nakaka­bulol ‘di po ba?

Ang pinupunto ko lang dito ay hindi na kailangang palitan ang pangalan ng NLEX sa MHDPEX. Ang tawag sa Ingles diyan ay ‘self-indulgence’ o makasarili. Para lamang ito sa mga ilang taga-Bulacan na nais palitan ang pangalan ng NLEX para MEMA o ME MASABI lang.

Masisira ang nakaugalian na pagtawag sa ating mga pangunahing expressways  na mas madaling tandaan. Maliban sa NLEX, nandiyan ang South Luzon Expressway (SLEX), Muntinlupa Cavite Expressway (MCX), Cavite Expressway (CAVITEX), Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX),  at Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEX). May ginagawa pang Calamba-Laguna Expressway (CALAEX).

Kung ating susuriin ang lahat ay nagbibigay gabay kung saan ang lokasyon ng nasabing expressway. Hindi pinapangalan sa isang tao o bayani. Mas madali sa lahat ng mga motorista na maaring maligaw sa kanilang biyahe.

Sana naman ay barilin na ito sa Senado. Mas marami pang mas mahalaga na pamamaraan upang paran-galan si Marcelo H. Del Pilar. Huwag naman pang expressway lang siya.