MAGUINDANAO DEL NORTE – WALONG bomba o improvised explosive device (IED) ang narekober habang limang miyembro ng teroristang Dawlah Islamiyah-Hassan Group ang patay sa isinagawang operasyon ng Joint Task Force Central sa mga bayan ng Pagalungan at Montawal sa lalawigang ito nitong nakalipas na Linggo.
Ayon kay Col. Donald Gumiran, Commander ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa mga residente ng Barangay Dungguan, Montawal at Barangay Dalgan, Pagalungan na nagkakampo sa liblib na lugar ng Barangay Dalgan ang teroristang DI-Hassan Group na pinamumunuan ng isang nagngangalang Almoben Sebod.
Ayon sa ilang residenteng nagbigay ng impormasyon, nagpaplanong magsagawa ng bomb attack sa mga matataong lugar sa probinsiya ng Maguindanao at Cotabato sa pagbubukas ng Ramadan ang nasabing terrorist group.
Matapos ma-validate ang intel report mula sa iba pang mga impormante, mabilisang nagkasa ng operasyon ang JTF Central sa pamamagitan ng 602nd Brigade upang pigilan ang madugong plano ng teroristang grupo.
Maingat na tinungo ng militar ang lugar na pinagkampuhan ng mga terorista upang maiwasang magkaroon ng agarang putukan na maaaring maging sanhi na madamay ang mga inosenteng mamamayan ng nasabing lugar.
Matagumpay na nakalapit ang mga sundalo subalit sinalubong din sila ng sunod sunod na putok ng mga terorista na nauwi sa humigit kumulang isang oras na mainit na sagupaan.
Kinailangan ng JTF Central ng artillery fire at air support bago tuluyang napasok ang kuta ng mga kalaban.
Sa ulat sinasabing limang terorist ang napaslang habang isa pa ang sugatan na nadakip habang tumatakas.
Sa clearing operation ay na-recover ang walong bomba o improvised explosive devices (IED) na sinasabing nakahanda na sanang ilatag ng grupo saknailang dsignated target.
Narekober mula sa nadakip ang isang calibre .45 pistol, mga bala ng Garand Rifle, mga sangkap sa paggawa ng IED at siyam na cellphones na ginagagamit din sa bomb detonation.
Sa panayam kay Mayor Salik Mamasabulod ng bayan ng Pagalungan, nagpasalamat siya sa mga kasundaluhan sa matagumpay na pagpigil sa masamang plano at sa pagsamsam sa mga IED sa kamay ng mga terorista.
Nilinaw din nya na malayo sa komunidad ang naging sagupaan ng sundalo laban sa teroristang grupo. Sa kabila nito, hinayaan niyang pansamantalang magtipon-tipon sa Dalgan Elementary School at sa karatig Barangay ang ilan sa mga mamamayan upang masiguro na hindi sila matamaan ng ligaw na bala. VERLIN RUIZ