PLANONG RICE IMPORT PARA SA FAST FOOD CHAIN INALMAHAN

SEN IMEE MARCOS-5

UMALMA si Senadora Imee Marcos sa plano ng Philippine International Trading Corporation (PITC) na mag-import ng bigas para sa piling grupo, partikular na ang mga fast food chain, grocery at maliliit na supermarket sa bansa.

Dismayado si Marcos kung bakit uunahin pang tangkilikin ng Department of Trade and Industry (DTI)  ang importasyon ng bigas sa panahon na lubog ang kalagayan ng mga lokal na magsasaka.

“Wrong timing si Secretary Ramon Lopez. Kahit pa ikatuwiran nilang magiging mura ang halaga ng bigas sa gagawing rice im-portation, kung kabuhayan naman ng mga magsasakang Pinoy ang babagsak, balewala rin ito,” giit ng senadora.

Sinabi ni Lopez na maaaring umabot sa 300 containers ng imported rice ang ilalaan para sa mga fast food chain at supermarket sa mga darating na buwan.

“Nasaan ang ating konsensiya at ano ba ang nasa isip ng mga negos­yanteng ‘yan na uunahin pa ang ibang bansa kaysa bilhin ang sariling bigas natin?” dagdag ni ­Marcos.

Inaasahang sa mga susunod na linggo sisi­mulan ang mga inisyal na importasyon ng bigas na ilalaan sa mga fast food chain, maliliit na supermarket at ilang piling mga grocery.

“Maawa naman sila sa mga kababayan nating mga magsasaka na wala na halos kinikita. Itigil n’yo ‘yan!” galit na pahayag ni Marcos. VICKY CERVALES