HINIMOK ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee, ang pamahalaan na pagtuunan ng pansin ang programa nito sa agrikultura, lalo na ang ‘Plant, Plant, Plant’ at bigyan ng ‘cash’ na ayuda ang mga magsasaka, magbababoy at ‘livestock producers’ para tugunan ang banta ng ‘stagflation’ sa bansa.
Ang ‘stagflation’ ay magkakasabay na pag-urong ng ekonomiya, pagkalusaw ng mga trabaho, at sobrang pagmahal ng mga bilihin. Ayon sa Philippine Statistics Authority, umurong ng 9.5 porsiyento ang ekonomiya noong 2020, tumaas ng 4.2% ang presyo ng mga bilihin o ‘inflation’ nitong Enero lamang, na higit na mataas kaysa 3.5% noong nakaraang Disyembre.
Isa si Salceda sa mga unang nagbabala ng posibleng krisis ngayon 2021, bagama’t “hindi pa tayo umaabot doon,” ngunit pinayuhan niya ang pamahalaan na kumilos agad at gamitin nito ang “inflation tool kit” upang iligtas ang ekonomiya.
Ang pag-urong o hindi pagsulong ng ekonomiya at pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay maiiwasan sa pamamagitan ng mga tumpak na hakbang ng gobyerno na nakatuon sa sektor ng agrikultura, at mabilis na implementasyon ng programa sa bakuna para mapabilis ang pagbawi ng ekonomiya, paliwanag niya.
“Hindi pa tayo umaabot sa ‘stagflation.’ Tandaan natin na ang mabagal na pagsulong ng ekonomiya ngayon ay maaaring hindi dulot ng mga umiikit na mga kadahilanan o ‘commodity shock’ kundi bunga ng Covid-19 lamang kaya kailangang pabilisin ang mga hakbang sa pagbabakuna para makabalik tayo sa dati,” dagdag niya.
Binigyan niya ng diin na ang pag-urong nga ekonomiya, kawalan ng trabaho ng milyon-milyong Filipino at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, at nagbabadya ng posibleng ‘stagflation.’
Tinaya ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang ‘inflation’ target na 2% hanggang 4% ngayong 2021-2022, ngunit ayon sa mga ekonomista, kahit na ang hindi kalakihang pagtaas ng presyo sa mahalagang mga sektor gaya ng pagkain, ay maaaring umapaw sa iba pang sektor at maghasik ng pangkalahatang ‘inflation.’
“Problema iyan para sa mga bumabalangkas ng mga panuntuanan at batas dahil kawing-kawing ang mga kaganapan. Halimbawa, kung ibababa ang ‘interest rates’ para mapasulong ang eknomiya, tataas din ang presyo ng mga bilihin,” dagdag niya.
Ayon kay Salceda na isang respetadong ekonomista, kailangang gumasta ng malaki ang gobyerno, kasama na ang ayudang salapi sa mga nasa agrikultura at ‘livestock industry’ para matugunan ang problema sa suplay ng pagkain, kaya dapat mabilis at malawakang isagawa ng Department of Agriculture ang ‘flagship project’ nitong ‘Plant, Plant, Plant.’
“Nitong nakaraang buwan, matatandaang nagbababala na ako sa gobyerno na maaaring malunod tayo sa sobrang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kaya kailangang mamuhunan tayo sa suplay ng pagkain. Dapat din nating maunawaan na ang pamumuhunan sa agrikultura ay lumilikha ng maraming trabaho, nagpapataas ng ani, at pumipigil sa pagtaas ng presyo ng pagkain ay iba pang mga bilihin. Isa ito sa mahahalagang intrumento para tugunan ang tatlong suliraning nabanggit,” paalaala pa nito.
Ayon kay Salceda, ang ‘inflation,’ kawalan ng trabaho, at mabagal na pagsulong ng ekonomiya ay tiyak na mabigat na pasanin ng mga mahirap kaya dapat tinitingnan din ang mga kaganapan mula sa pananaw ng mga madaling malupig ng mga problema.
Comments are closed.