PLANTA NG SEMENTO ‘DI SINALAKAY – HOLCIM

Holcim

BULACAN –ITINANGGI ng Holcim Philippines, Inc. sa pamamagitan ng kanilang vice president for communications Ms. Annclaire Ramirez ang nailathalang ulat ng pahayagang ito ka­makailan na may titulong “Planta ng semento sinalakay, sangkot sa illegal quarrying -NBI”.

Sa liham ni Ramirez sa PILIPINO Mirror na may petsang Disyembre 9 sa print at mula sa email address na [email protected], hiniling nito sa patnugot ang mabilisang pagtatama sa nasabing istorya.

Tinukoy sa liham, partikular ang unang paragraph ng istoryang nalathala noong Disyembre 8, na isang team ng NBI-NCR at Mines and Geosciences Bureau Region-3 ay sumalakay sa kanilang cement plant sa Norzagaray.

Idiniin din ni Ra­mirez ang mga sumunod na paragraph kung saan tinalakay kung paano ang quarrying firm na MDG Enterprises ay nadiskubreng walang kaukulang permit at nagsusuplay sa kanilang planta ng silica.

Nakasaad din sa liham na bagaman ang MDG ay isa sa kanilang raw material supplier, ang kanilang planta sa Norzagaray ay hindi sinalakay ng NBI at ng MGB.

“While MDG is indeed one of our raw materials supplier, our plant in Norzagaray was never raided by the NBI nor the MGB,” bahagi ng liham ni Ramirez.

Giit pa ng Holcim Philippines na may address na 7/F Two World Square, McKinley Hill, Fort Bonifacio, Taguig City, na may request na rin sila sa NBI na ibahagi sa kanila ang kanilang imbestigasyon hinggil sa nasabing isyu.

Tiniyak din ng Holcim Philippines, Inc., ayon sa liham ni Ra­mirez, ang kanilang full cooperation sa imbestigasyon ng NBI. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM