LAGUNA- NAKATAKDANG ipamahagi sa registered Cacao at RSBSA farmers ang 4,000 cacao seedling sa bayan ng Majayjay mula sa APA Farms.
Mismong si Municipal Agriculture Officer Head Zoilo Ama, ang tumanggap sa libong seedlings ng magandang kalidad ng binhi ng cacao na layong palakasin ang industrya.
Aniya, isa lamang ang bayan ng Majayjay sa mga lugar sa probinsiya na maaring maging producer ng Cacao kasunod nito ang bayan ng Liliw, Nagcaralan, at Pagsangjan.
Ayon kay Majayjay Mayor Romy Amorado, malaki ang maitutulong ng pagtatanim ng Cacao sa kabuhayan ng mga magsasaka nito.
Ang buto ng cacao ang pangunahing sangkap sa paggawa ng masarap at malinamnam na chocolate, tableya, at cacao coffee sa bansa.
Aniya, libong tonelada ang kailangan ng manufacturers nito sa Pilipinas at karatig bansa sa Asya.
Dahil malaki ang demand sa merkado ng buto ng Cacao, bagay sa klima ng Majayjay ang pagtatanim ng mga puno nito na magbibigay ng matatag na kabuhayan sa mga susunod na panahon. THONY ARCENAL