PLANTASYON NG MARIJUANA SINALAKAY

QUEZON- MAHIGIT sa 670 puno ng high grade marijuana tree ang sinalakay ng pinagsanib puwersa ng Quezon provincial drug enforcement team, Quezon police mobile force at ng Phillipine Army sa liblib na lugar ng Barangay Bantulinao, Calauag nitong Linggo ng umaga.

Sa nasabing raid ng mga operatiba, huli sa akto ang tatlong plantation worker na sina Alias Joe at Alex, kapwa menor de edad at isang Christian Angelo Cometa, 23-anyos, mga tubong Tabaco Albay at Toledo Cebu.

Sa pahayag sa mga raiding team, sinabi ng tatlo na ang may-ari ng plantasyon ay isang Jayar Ogdoc Cometa, alias MIGU at umano’y nasa Bangkok, Thailand.

Sinabi ni Major Milo Tabernilla, OIC ng Calauag PNP, isang informant ang nagbulgar sa kanilang himpilan tungko sa aanihin mga puno ng marijuana sa Bantulinao.

Agad umanong nakipag- coordinate ang kanilang himpilan sa QDEU, Quezon mobile force at Philippine Army para sa mabilis na paghuli sa mga maintainer ng plantasyon

Bukod sa mga nasabat na puno ng mga marijuana, nakakumpiska rin ang mga awtoridad ng mga pinatuyong dahon na nakalagay na sa mga plastic container na may street value na P15,800.

Ang mga suspek ay agad na dinala sa Quezon PNP headquarters at nahaharap ang mga ito sa paglabag sa RA 9165 o ang Dangerous Drug Act of 2002.
ARMAN CAMBE