PLANUHIN ANG NEGOSYO AT UMAKTO

HINDI overnight ang pagpapayaman at kung hangad mo ang pagyaman o material wealth, kailangang planuhin ito nang tama.

Kasama sa planning ay pag-aaral sa mga tunay na pangyayari at hindi kuwento o imahinasyon lamang.

Upang makamit ang tagumpay, lalo na sa mga batang nais magnegosyo, narito ang payo ng PILIPINO Mirror.

  1. Matuto mula sa iyong sariling karanasan.

Tandaan na walang business book o business plan na makapagsasabi ng iyong hinaharap o maaring maihanda ka para maging matagumpay na negosyante.

Tulad ng kasabihan na walang perpektong tao sa mundo, wala ring perpektong plano. Walang perpektong landas na maaaring tahakin ng sinuman.

Huwag papasok sa isang negosyo nang walang pagpaplano pero huwag mo ring sayangin ang iyong panahon sa paghihintay kung kailan maipatutupad ang iyong mga balak gawin.

Ikaw ay magiging matagumpay na negosyante kung matututunan mo ang mga leksyon mula mismo sa iyong karanasan.  Ang pinakamahalagang dapat mong alamin ay matuto ka mula sa iyong mga pagkakamali at hindi na ito ulitin.

  1. Tandaan na walang magbibigay sa iyo ng pera. Isaisip na walang ibang taong maglalagak ng puhunan para sa iyo. Kung gusto mo ng mas malaking capital para sa iyong negosyo, bumalik ka sa pagpaplano.

Hanapin mo ang daan para sa iyong pagsisimula sa halip na isipin mo agad ang kahihinatnan ng iyong negosyo.

Bawasan ang mga magarbong paggastos.  Gawing simple ang ideya ng iyong pagnenegosyo.

Humanap ng mga paraan upang pagandahin ang iyong pagpaplano nang maliit lang ang budget na iyong gugugulin.

Dapat mo munang patunayan ang iyong kagalingan sa iyong negosyo bago ka kumuha ng mga investor.

  1. Palagiang maging malusog.

Dapat alam mong tumayong mag-isa,  Gayunman, ipapaaalala ko sa iyo na mas magiging produktibo ka kung pangangalagaan mo ang iyong sarili.

Ang pagnenegosyo ay isang lifestyle at hindi 9am to 5pm profession.

Posible kang ma-burn out sa dami ng mga dapat mong gawin sa iyong negosyo at ito ang magigig sanhi upang mabawasan ang iyong pagiging produktibo.

Huwag abusuhin ang iyong sarili. Kumain ng tama, mag-ehersisyo at maghanap ng oras para sa iyong sarili.

  1. Huwag maging biktima ng sarili mong kurso.

Huwag kang magsalita nang magsalita kung hindi mo naman kayang gawin.

Magpa-impress ka sa pamamagitan ng iyong gawa at hindi sa puro salita.

Iendorso ang iyong negosyo sa kaaya-ayang paraan.

Iwasang magsalita ng labis para sa iyong negosyo kung hindi naman totoo.

  1. Alamin mo ang oras kung kailan ka dapat huminto.

Taliwas sa mga kasabihan na ang kapitan ng barko ay hindi bumababa sa kanyang sasakyang pandagat.  Dapat alam mo ang panahon kung kailan ka dapat umalis at tumigil na.

Kung hindi nagtatagumpay ang iyong business ideas, isipin kung saan ka nagkamali.

Alamin mo kung ano ang nagawa mong kakaiba. Tukuyin kung paano mo pa ito mapapaganda

Ang kabiguan sa unang pagkakataon ay hindi pa katapusan ng iyong buhay. May mga pagkakataon pa para sa iyong negosyo.