PLASTIC IBAWAL SA BORACAY – DENR

Environment-Secretary-Roy-Cimatu

NAIS ni Environment Secretary Roy Cimatu na ser­yosong ipagbawal ang paggamit ng plastic sa Boracay upang masolusyunan ang lumalalang problema sa  basura.

Ayon sa pag-aaral, abot sa 90 hanggang 115 tonelada ng basura ang nahahakot dito ngunit 30 hanggang 40 to­nelada lamang ang nadadala sa Malay, Aklan.

Malaking bahagi ng basura sa Boracay ay plastic tulad ng grocery bags, toothbrush, bottled water, sachets ng shampoo, condiments, at balutan ng sabon.

Kung ipagbabawal umano ito, masosolusyunan ang problema sa basura at mababawasan din ang problema sa pagdumi ng dagat.

Dagdag pa ni Cimatu, nilalason ng plastic ang karagatan at sinasaktan ang mga buhay na naninirahan dito.

Hihimukin din ng DENR ang mga hotel na gumamit ng dispenser para sa liquid soap, shampoo at conditioner; habang ang mga tindahan naman ay magbebenta ng tinatakal na mga condiments tulad ng toyo, suka at mantika.

Nanawagan naman si DENR Undersecretary Benny Antiporda na sa buong bansa ipagbawal ang paggamit ng plastic sa halip na sa Boracay lamang.

Mas mabuti umanong gumamit ng ecobag at biodegradable plastic.

Iminungkahi rin ni Antiporda ang paggamit ng bayong bilang suporta sa industryiang lokal, at sa pagpo-promote ng mga gawang Filipino.

Pansamantalang isinara ang Boracay sa mga turista noong Abril 26 upang maisagawa ang anim na buwang rehabilitasyon ng isla dahil sa sobrang basura.

Noong isang taon, iniutos ni Cimatu na tanggalin ang 20,000 cubic meters ng residual waste mula sa materials recovery facility (MRF) sa Barangay Manoc-Manoc, Boracay na ginamit na open dumpsite.

“The huge volume of solid waste caused a longer turnaround time for garbage hauling trucks, thus resulting in accumulation of garbage and delay in its transfer to the sanitary landfill in mainland Malay,” ani Cimatu.

Sa Republic Act No. 9003, o Ecological Solid Waste Management Act of 2000, inaatasan ang mga gobyernong lokal na magkaroon ng comprehensive solid waste management plan at magtayo ng MRF sa bawat barangay upang mabilis na maproseso ang basura.

Batay sa 2015 report tungkol sa plastic pollution ng Ocean Conservancy at McKinsey Center for Business and Environment, ang Filipinas ay ikatlo sa buong mundo sa pinakamalaking source ng plastic waste sa mga karagatan.

Filipinas naman ang siyang nangunguna sa Southest Asia.

Isinusulong din ni Majority Leader Juan Miguel Zubiri  sa Senado ang tuluyang pagbabawal ng paggamit ng mga plastic sa bansa.

Ngayon umanong kasama ang Filipinas sa top 5 ng United Nations na nagpo-produce ng plastic waste ay dapat tayong mabahala.

Mamadaliin ng senador ang paghahain ng panukalang batas para sa pagbabawal ng paggamit ng single-use plastic para tuluyang maging batas.

Suportado naman ito ni Senator Loren Legarda at Senator Aquilino Pimentel III. NENET L. VILLAFANIA

Comments are closed.