PLATAPORMA AT PLANO ANG NAIS MALAMAN NG MGA PILIPINO

Joe_take

MAS lumilinaw na ang mga kaganapan sa paparating na eleksi­yon at nagsisimula nang magmatyag at mag-isip ang publiko kung sino nga ba ang karapat-dapat nilang iboto.

May anim na buwan pa ng hihintayin bago maganap ang opisyal na eleksiyon ngunit napakaingay na sa mundo ng politika ngayon.

Hindi pa man opisyal na nagsisimula ang kampanya ay kapansin-pansin na ang mga election pamphlets sa mga kalsada at pampublikong lugar, pati na rin ang mga palitan ng maaanghang na diskusyon sa media at sa social media.

Oo at ito ay matagal nang istratehiya ng mga kandidato, subalit sa aking pakiwari, higit na mahalaga na mayroong malinaw at matatag na mensahe ang mga lalahok sa halalan dahil dito makikita kung gaano ka-solido ang kanilang mga plataporma, at kung karapat-dapat ba silang umupo sa mga ninanais nilang posisyon.

Isa ang Partido Fede­ral ng Pilipinas sa aking nakikita ang may ganitong uri ng istratehiya. Sa pamamagitan ni Atty. Vic Rodriguez, ang kanilang mga binibitiwang salita ay walang bahid ng anghang, bagkus ay pawang mga plataporma at plano lamang.

Gayon na rin ang kanilang standard-­bearer na si dating senador at ngayo’y tatakbo sa pagka-pangulo na si Ferdinand ‘Bongbong’ ­Marcos Jr. o mas kilala bi­lang BBM.

Sa panahon na naglipana ang mga negatibo at toxic na diskurso sa media, ika nga, isang welcome relief sa mga tagamasid na wala munang batuhan ng putik, insultuhan, o anumang negatibong mensahe, sapagkat sa totoo lamang, sa aking pananaw, pagod na ang mga mamamayan sa ganitong uri ng negative at toxic campaigning.

Gasgas na ang batuhan ng baho bilang campaign strategy, at bilang tatakbo sa isang posisyon na pangpropesyunal, ang ganitong uri ng pangangampanya ay hindi propesyunal tingnan sa mata ng mga tagamasid.

Sa aking paniniwala, ang nais malaman ng mga tao ay kung ano-ano nga ba ang kanilang mga plano para sa bansa, at ang kanilang mga gagawin upang makamit ito kapag sila na ang naluklok sa pwesto;

Kung paano pauunla­rin ang bansa at ano-ano ang kanilang hangarin para paunlarin ang kalakalan at negosyo;

Kung paano haharapin ang krisis na dulot ng COVID-19, at ano ang mga kailangang asahan ng sambayanan sa susunod na anim na taon.

Sa tuwing nababasa ko ang mga binibitiwang salita ni Atty. Vic at ng kanilang partido, mas nabibigyan nila ng linaw ang usaping bayan.

Nawa’y  ang ganitong uri ng developmental communication ang pairalin upang mas lalong maintindihan ng mga mamamayan ang mga plataporma at sa gayon ay mabigyan sila ng gabay kung sino nga ba ang nararapat ihalal sa araw ng halalan.

‘Di natin alintana kung gaano ka-kritikal ang susunod na eleksiyon  pagkat nanggaling tayo sa hagupit ng pandemya kaya dapat lamang na maging maingat sa pagkilatis sa kung ano ang mabuti at kung sino ang mga mas makatutulong sa bayan, upang sa gayon ay mas mabilis tayong makabangon muli.

Karapatan natin ang maunlad na pamumuhay. Nawa’y gamitin natin ang ating karapatan at kakayahan bilang mga botante para sa pag-asa at pagbangon ng ating bayan.