PLAYOFF BONUS BID PINALAKAS NG BOLTS

Mga laro sa Miyerkoles:
(Ynares Center-Antipolo)
3 p.m. – Blackwater vs Magnolia
5:45 p.m. – Ginebra vs Terrafirma

PINIGILAN ng Meralco ang Phoenix sa pagkuha ng outright quarterfinal berth at pinalakas ang kanilang sariling kampanya para sa playoff incentive sa PBA Governors’ Cup matapos ang 92-86 panalo kagabi sa Araneta Coliseum.

Nagbuhos si KJ McDaniels ng 19 points, 16 rebounds, 5 blocks, at 4 steals bago na-foul out, may 1:30 minuto ang nalalabi, para sa Bolts na tinapos ang elimination round na may dalawang sunod na panalo para umangat sa 7-4.

Gayunman ay hindi naging madali para sa Meralco ang panalo.

Nalamangan ng hanggang 15 points sa fourth quarter, 75-90, humabol ang Fuel Masters at bumanat ng 11-2 run sa likod nina Du’Vaughn Maxwell at Encho Serrano upang makalapit sa 86-92, may 30 segundo ang nalalabi.

May pagkakataon ang Phoenix na ibaba ang kalamangan sa apat na puntos matapos ang steal ni Javee Mocon, subalit nagmintis si Maxwell sa kanyang tira.

Sa pagkatalo ay nahulog ang Phoenix sa 4-7.

Sa kabila nito ay may pag-asa pa ang Fuel Masters na makapasok sa playoffs dahil kailangan ng ninth-place NorthPort (3-7) na manalo sa huling laro nito kontra top seed TNT sa March 15, upang maipuwersa ang sudden- death para sa huling quarterfinal seat.

Nagposte si Aaron Black ng 18 points, 6 rebounds, at 2 steals para suportahan si McDaniels, habang kumubra si Chris Banchero ng 13 points, 5 rebounds, at 5 assists.

Nalimitahan sa single-digit scoring sa huling tatlong laro, nag-step up si Banchero sa pagkawala ni Allein Maliksi, na nagsilbi ng one-game suspension dahil sa pagsunggab sa leeg ni Barkley Eboña sa kanilang panalo kontra Converge, dalawang araw na ang nakalilipas.

Pinagmulta rin si Maliksi ng P75,000.

CLYDE MARIANO

Iskor:
Meralco (92) – McDaniels 19, Black 18, Banchero 13, Hodge 12, Quinto 9, Newsome 8, Almazan 7, Caram 3, Pasaol 3, Jose 0.
Phoenix (86) – Maxwell 29, Serrano 20, Perkins 13, Tio 7, Jazul 6, Camacho 3, Muyang 2, Manganti 2, Mocon2, Garcia 2, Lalata 0, Alejandro 0.
QS: 23-22, 47-49, 73-68, 92-86.