PLAYOFFS TARGET NG PHOENIX

phoenix

Mga laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – Meralco vs Columbian

7 p.m. – Phoenix vs NorthPort

MATAPOS ang  dalawang linggong paghihintay, magbabalik ang Phoenix  sa court at pipiliting makabawi mula sa unang pagkatalo sa season sa pakikipagtipan sa NorthPort sa PBA Philippine Cup ngayon sa Smart Araneta Coliseum.

Sa kanilang 5-1 kartada, ang Fuel Masters ay nakaumang sa playoffs at pinapaboran laban sa 2-2 marka ng Batang Pier. Ang tropa ni coach Louie Alas ay higit na nakalalamang kung papatawan ng suspensiyon sina Stanley Pringle at Moala Tautuaa matapos ang kaguluhan sa NorthPort-Columbian Dyip tuneup kamakailan.

Ipinagbigay-alam na ni PBA technical chief Eric Castro sa NorthPort at Columbian Dyip squads na nakatakdang imbestigahan ni league Com-missioner Willie Marcial ang insidente at maaaring ilabas ang desisyon bago ang pagpapatuloy ng torneo ngayong araw.

Si Marcial ay kasama ng PBA board members sa Kazakhstan nang maganap ang insidente. Ang kanilang natanggap na report ay hindi kumpleto, kabilang ang pagkakasangkot nina Pringle at Tautuaa sa gulo kung saan napaulat na duguan si JayR Reyes.

Ang Batang Pier ay maglalaro na wala ang kanilang dalawang top guns sakaling suspendihin sina Pringle at Tautuaa.

Naunsiyami ang pagkopo ng Fuel Masters ng isang playoff spot makaraang yumuko sa E-Painters, 94-98, sa overtime sa kanilang huling laro noong Peb. 10.

Muling sasandal si Alas sa kanyang mga top gunner na sina Calvin Abueva, Matthew Wright, Alex Mallari, LA Revilla, RJ Jazul at  Jason Perkins, habang pamamahalaan nina Justin Chua, Dave Marcelo at Dough Kramer ang shaded area para hindi maka-penetrate ang Batang Pier.

Sina Wright, Abueva, Perkins at Mallari ay may average na double fi­gures at umaasa si  coach Alas na masusustina nila ito.

Si Wright ay kasama sa national team na sumabak sa FIBA World Cup Asian qualifiers at nakahanda ang ­Filipino-Canadian na muling pamu­nuan ang opensiba ng Phoenix.

Nakahanda namang tumulong kay Pringle sina Sean Anthony, Jonathan Grey, Moala Tautuaa, Bradwyn Guinto,  Joseph Angelo Gabayni, Juan Nicolas Elorde, Ryan Arana at rookie Robert Bolick.

Lamang ang Meralco sa Columbian na lumasap ng sunod-sunod na talo matapos na silatin ang defending champion San Miguel Beer. Hawak ng Bolts ang 2-3 kartada habang may 2-4 marka ang Dyip. CLYDE MARIANO

Comments are closed.