SA kasalukuyang panahon na lubhang umaasa sa teknolohiya, napakahalaga ng pagkakaroon ng mabilis na serbisyo ng internet.
Napabibilis at napagagaan kasi nito ang mga gawain sa araw-araw. Bunsod nito, hindi na rin talaga nakapagtataka na ang pagkakaroon ng mabilis na serbisyo ng internet ay itinuturing na kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng mga tao.
Batid ang hindi maitatangging katotohanang ito, ang PLDT Inc. (PLDT) bilang pinakamalaking digital service provider ng bansa, ay patuloy sa pagpapaigting at pagpapalawig ng pasilidad at serbisyo nito upang makapaghatid ng mabilis na serbisyo ng internet para sa mga konsyumer.
Bilang resulta ng pagsisikap ng kompanya, kinilala ng Ookla® Speedtest Awards™ 2022 ang PLDT bilang kompanyang may pinakamabilis na serbisyo ng internet sa bansa sa ika-limang sunod na taon. Ang Ookla ay isang global benchmarking company na nagbibigay ng serbisyo ng libreng pagsusuri sa tinatawag na mga internet access performance metrics gaya ng connection data rate at latency.
Nang suriin ang serbisyo ng internet ng PLDT, nagtala ito ng pinakamataas na markang 86.52 noong 2022. Ito ay patunay sa kahusayan, kagalingan, at patuloy na pangunguna ng kompanya sa paghahatid ng naturang serbisyo. PLDT pa lamang ang kompanyang nagkamit ng limang sunud-sunod na pagkilala bilang may pinakamabilis na serbisyo ng internet sa bansa mula sa Ookla.
Matindi ang suportang ibinibigay ng PLDT Group sa digitalisasyon ng Pilipinas. Ayon kay PLDT President at CEO Alfredo S. Panlilio, pangako ng kompanya na tutulong ito sa pagpapaunlad ng bansa sa pamamagitan ng pagtatakda ng mataas na antas at kalidad ng serbisyo sa paghahatid ng world-class na digital service para sa mga Pilipino.
Kaugnay nito, pinagsusumikapan ng PLDT na maihatid ang serbisyo ng internet at iba’t iba pang uri ng digital na serbisyo sa mas maraming bahagi ng bansa. Sa katunayan, noong nakaraang taon, nakapag-tala ang kompanya ng 6.08 milyong fiber-powered na mga port sa 17,700 na barangay sa bansa.
Sa kasalukuyan, PLDT pa rin ang natatanging kompanya ng telekomunikasyon na may kakayahang makapaghatid ng pinakamahusay na fiber-optic speed na umaabot sa 10 Gbps, na sinimulang isinapubliko ng kompanya noong taong 2021. Inihanay ng pambihirang tagumpay na ito ang Pilipinas sa mga mauunlad na bansang mayroon ding mabilis na serbisyo ng internet gaya ng South Korea, Japan, Norway, Italy, New Zealand, at USA.
Bukod sa paghahatid ng mabilis na serbisyo ng internet, kabilang sa mga bagay na kasalukuyang tinututukan ng PLDT Group ang pagsuporta sa pamahalaan sa pagpapatupad ng Sim Card Registration Act o Republic Act 11934.
Kamakailan ay inanunsyo ng pamahalaan ang muling pag-usog ng deadline para sa pagpaparehistro ng mga SIM card. Binigyan ng karagdagang 90 na araw ang mga mamamayan na sumunod sa batas na ito sa bisa ng pahintulot na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM).
Kaugnay nito, nangako ang Smart Communications, Inc. (Smart), ang wireless unit ng PLDT Group, na mas paiigtingin pa nito ang kampanya ukol sa pagpaparehistro ng mga SIM card. Mula noong ipatupad ang batas na ito noong ika-27 ng Disyembre 2022, naging agresibo na ang kompanya sa pagpapalaganap ng impormasyon ukol dito. Lahat ng platapormang maaaring gamitin ay ginamit ng kompanya gaya ng TV, radyo, diyaryo, mga billboard, text message, mga on-ground na aktibidad, at iba pa.
Kung ating babalikan, bago matapos ang taong 2022, inumpisahan ang pagpaparehistro ng mga SIM card matapos ilabas ng National Telecommunication Commission (NTC) ang implementing rules and regulations o IRR ng SIM Card Registration Act. Ito ay naisabatas noong ika-10 ng Oktubre, at ito rin ang unang batas na pinirmahan ni PBBM.
Ayon sa batas na ito, mula sa petsa kung kailan ito inumpisahang ipatupad, bibigyan ng 180 na araw ang mamamayan na sumunod dito sa pamamagitan ng pagrerehistro ng kanilang mga SIM card. Nakasaad din sa batas na ang panahon ng pagrerehistro ay maaaring pahabain ng hanggang karagdagang 120 na araw kung kakailanganin. Mismong si Department of Information and Communication Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy ang nagpaalala sa mga kompanya ng telekomunikasyon at mga mamamayan na ito na ang huling pag-usog ng deadline na magaganap dahil ito lamang ang pinapayagan sa batas. Nilinaw din ni Uy na hindi mababang bilang ng mga nag-rehistro ang dahilan kung bakit ini-usog ang deadline. Aniya, nasa 82 milyon na SIM card na ang naka-rehistro mula sa kabuuang bilang na 168,016,400 na aktibong SIM card sa bansa. Naobserbahan din ni Uy na kapag malapit na ang deadline, saka tumataas ang bilang ng mga nagrerehistro. Nasa ugali na raw talaga ng mga Pilipino ang kumilos kapag papalapit na ang deadline.
Ginagawa ng mga kompanya gaya ng Smart ang lahat ng kanilang magagawa upang mahikayat ang mga mamamayan na mag-rehistro ng SIM card. Subalit kung talagang nasa ugali ng mga mamamayan ang problema, hindi na ito kontrolado ng mga kompanyang nangangasiwa rito. Mula’t sapul ay binibigyang diin ni PBBM ang kahalagahan ng pagkakaisa. Sa usaping ito, mahalaga ang pakikiisa ng mga mamamayan sa pamahalaan at sa mga miyembro ng industriya ng telekomunikasyon.
Huwag nang ipagpaliban pa ang pagpaparehistro ng SIM card dahil kapag lumampas na ang deadline, hindi na magagamit ang mga SIM card na hindi rehistrado. Mawawalan ng access ang indibidwal sa mga ito. Ibig sabihin, hindi na ito magagamit sa pagtawag, pagpapadala ng mensahe, at ang mas masaklap sa lahat, mawawala na rin ang numerong nakarehistro sa SIM card. Sa madaling salita, kakailanganin nang bumili ng bagong SIM card na dadaan din naman sa proseso ng pagpparehistro. Kaya’t walang saysay na ipagpaliban pa ang pagsunod sa batas na ito.