MALAKING ginhawa ang maidudulot sa taumbayan kapag natuloy na ang plano ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na isaayos ang tamang paglalatag ng mga kable at linya ng telekomunikasyon sa bansa.
Sa kasalukuyan kasi, kaliwa’t kanan ang paghuhukay na ginagawa ng mga kompanya ng telepono dahil walang maayos at nakatakdang espasyo sa ilalim ng mga kalsada para ibaon ang kanilang mga kable.
Nasisira o aksidente ring napuputol ang mga kable at pasilidad ng mga kompanya ng telepono na nakabaon sa lupa dahil sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang plano ng ARTA ay tukuyin ang mga mahahalagang kagamitan na pag-aari ng malalaking kompanya ng telekomunikasyon para sa kanilang mga operasyon.
Agad sinuportahan ng PLDT ang inisyatibong ito ng ARTA para mabawasan o maiwasan na ang aksidenteng pagputol ng kanilang mga kable ng telekomunikasyon kapag may mga ginagawang proyektong panlansangan ang DPWH.
Ayon kay Al Panlilio, presidente at CEO ng PLDT, ilang beses na silang naputulan ng mga kawad ng kable dahil hindi agad natutukoy ng DPWH kung saan eksakto nakabaon ang kanilang mga linya ng telekomunikasyon. Malaking abala ito sa kanilang mga customer at kasayangan sa perang kanilang gastos para ibaon ang mga mamahaling fibre cables.
Batay sa datos nitong Marso ng kasalukuyang taon, may pinakamalaki at pinakamahabang imprastrakturang fibre cable ang PLDT na aabot sa 1.1 milyong kilometro sa buong bansa.
Ang paglalatag ng fibre cable ay ginawa ng PLDT para bigyang tugon ang maunlad at laging konektadong estilo ng pamumuhay ng mga Pilipino na nakabase sa makabagong teknolohiya o digitalisasyon.
Nakipagpulong ang PLDT at iba pang kompanya ng telekomunikasyon sa ARTA sa isang workshop kamakailan para ilahad ang kanilang hiling na magkaroon ng polisiya ang pamahalaan na nagtatakda na maglagay ng imprastrakturang pang-telekomunikasyon sa ilalim ng mga bagong kalsada.
Simple lang naman ang kanilang suhestiyon: maglagay o magbaon ang gobyerno ng mga malalaking tubo para sa linya ng fibre cable kapag may gagawing silang bagong kalsada.
Magandang suhestiyon ito, kasi kung mapapansin natin, sala-salabat ang kawad ng kable ng telekomunikasyon sa mga poste ng bawat kalye at distrito. Bukod sa ang pangit tingnan, maaari pang magbunga ito ng sunog at iba pang aksidente. Minsan nga ay naiisip kong kumain ng pansit tuwing nakikita ko ang nasabing buhol-buhol na mga kawad ng kable.
Kung may mga malalaking tubo sa ilalim ng mga bagong kalsada, maaaring dito padaanin ang mga fibre cables ng mga kompanyang telekomunikasyon, at hindi na nila kailangan pang maghukay para ibaon ang kanilang mga kable.
Mababawasan din ang abala para sa mga motorista dahil sa paghuhukay nila.
Lugod ang pasasalamat ni Panlilio sa ARTA na nakikipagtulungan sa kanila para paigtingin pa ang kanilang mga polisiya at masigurong mabigyan ng magandang kalidad ng buhay ang mga Pilipino at suportahan ang adhikain ng gobyerno na isulong ang digitalisasyon sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.