SA PAMAMAGITAN ng mga makabagong solusyon at teknolohiya, layunin ng pamahalaan na mapabuti ang serbisyo nito at mapadali ang mga transaksiyon sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Sa pamumuno ng Department of Information and Communications Technology o DICT, inilunsad ng administrasyong Marcos ang e-Gov PH Super App – isang mobile platform para sa lokal at pambansang serbisyo ng pamahalaan. Kabilang sa mga transaksiyong maaaring gawin dito ay ang pagpaparehistro ng SIM, mabigyan ng access para sa mga serbisyo ng lokal na pamahalaan, aplikasyon para sa trabaho, tulong sa pangangailangang pangkalusugan, mga e-payment at maging serbisyong pagbabangko.
Sa kanyang talumpati sa paglulunsad ng e-Gov PH Super App nitong Biyernes, pinuri ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang DICT sa pagdisenyo ng naturang app na magbibigay ng mabilis na serbisyo para sa publiko at mabawasan din ang katiwalian sa gobyerno.
Sa tulong ng digitalization at paggamit ng mga makabagong app, ang mga hakbangin tulad ng e-GOV PH Super app ay malaking tulong sa pagsugpo sa korupsiyon. “We owe that to the people. We owe them to be able to do that. We should not allow them to continue to suffer to this antiquated, corrupt, and inefficient system,” banggit ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, kailangan ng gobyerno na ipagpatuloy ang paggawa ng mas malawak at mas sopistikadong e-government plarforms para makahabol at makipagkumpitensya ang PIlipinas sa pag-unlad ng ibang bansa.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor sa matagumpay na pagpapatupad ng mga inisyatiba tulad ng e-GovPH Super app at para rin matiyak ang cybersecurity.
Umani naman ng suporta ang inisyatibo ng gobyerno mula sa telecom giant na PLDT, Inc. sa pamamagitan ng pagkakaroon ng access at koneksiyon sa tinatawag na rich data at mga prosesong umaasa sa kritial na fixed at wireless telecommunications infrastructure.
“We echo the sentiments of President Marcos about maximizing the use of the technologies available to us, with the eGovPH Super App expected to improve ease of doing business and interactions with the government,” ani Alfredo S. Panlilio, PLDT President and CEO.
Dagdag niya, “This aligns with how we at PLDT are committed to evolving with our customers’ increasingly digital lifestyles and delivering innovation to achieve our ambition of a completely connected and future-ready Philippines.”
Dumalo si Panlilio sa paglulunsad ng app na pinangunahan nina Pangulong Marcos, Information and Communications Technology (ICT) Secretary Ivan John Uy, at ICT Undersecretary David Almirol na nasabay rin sa paglulunsad ng National Information and Communication Technology Month sa Malacañang.
Si Panlilio ay kabilang sa Digital Infrastructure Group ng Private Sector Advisory Council (PSAC). Bilang pagsuporta ng PLDT para sa mga layunin ng PSAC ay magagamit ng pamahalaan ang kabuuang fixed at wireless networks nito. Nitong Marso 2023, napalawig na ng PLDT ang fiber footprint nito ng mahigit 1.1 milyong kilometro, na kinabibilangan ng 231,000 na kilometro ng internatonal fiber at higit 874,000 kilometrong domestic fiber.
Sinusuportahan rin ng fiber infrastructure ang 2G, 3G, 4G/LTE at 5G networks ng Smart Communications, na bumubuo sa 97 porsyento ng populasyon mula katapusan ng Marso 2023.
Layunin ng gobyerno na magamit ang digitalization at mga available na apps para padaliin ang mga transaksiyon at mabawasan ang korupsiyon at iba pang uri ng pang-aabuso.
Hindi lamang nakatutulong ang e-GovPH app para mapabilis ang serbisyo ng gobyerno, naaalis din ang pagkakataon para sa mga katiwalian. Hindi na malayong maaaring makipagtransaksiyon ang mga negosyo sa gobyerno nang walang tulong mula sa mga fixer.
Ito ang dahilan kung bakit isinusulong ng gobyerno ang pagkakaroon ng digital pivot para sa makabagong paraan ng pakikipagkalakaran sa mga local at pambansang ahensiya ng pamahalaan. Ang mga inisyatibo tulad nito ay makatutulong mabigyan ng mas maayos na customer service ang mga Pilipino at makatutulong din para makabawas sa stress at mas maging kaaya-aya ang kanilang karanasan.