PLEBESITO GAWIN SA NOBYEMBRE

Sen-Juan-Miguel-Zubiri

MAAARING gawin sa buwan ng Nobyembre ang plebesito para sa itatatag na Bangsamoro region.

Ito ang sinabi kanina ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, bago magsimula ang pagpapatuloy ng meeting ng bicameral conference committee para sa panukalang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Ayon sa senador, sa sandaling matapos nila ang final draft ng BBL, dadalhin na nila ito kay Pangulong Duterte para sa kanyang pagsang-ayon.

Matapos ito, raratipikahan ng Kamara at Senado ang BBL sa pagbubukas ng sesyon bago lagdaan ni Pangulong Duterte sa araw mismo ng kanyang SONA sa Hulyo 23.

Dagdag pa ni Zubiri, sa sandaling makalusot ang BBL sa plebesito, itatalaga sa darating na Disyembre ang mga bubuo sa magiging Bangsamoro Transition Authority (BTA).  VICKY CERVALES