PLM, UDM STUDES ‘DI MAGAGAMIT SA POLITICAL ACTIVITIES

MARIING pahayag ng City Government of Manila na hindi hahayaang magamit sa pulitika ang mga estudyante ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UDM).

Ito ang tiniyak ni Manila Mayor Isko Moreno sa mga magulang ng mga estud­yante mula sa dalawang city-run universities na ang kapakanan nila ang pangunahing inaalala ng pamahalaang lungsod.

Sinabi ng punong lungsod na hindi niya papayagang magamit ang mga estudyante maging ang mga gusali ng mga nasabing pamantasan para sa political activities na maaaring mag­resulta sa kaguluhan.

Sa kanyang capital report, sinabi ni Moreno na binigyang direktiba niya ang mga pinuno ng nasabing dalawang pamantasan na mag-focus sa pagbibigay ng pinakamahusay na edukasyon para sa kanilang estudyante.

“Sa mga magulang na nag-aaral ang kanilang anak sa PLM at UDM, pumanatag kayo. Ako po ay nag-abiso na, na hindi pwede basta-basta sumama sa kaguluhan na binabalak ng iilan… ‘yung mga pinaplano nila,” ani Moreno.

Ayon pa kay Moreno, “We have to move on with our lives and support the next government. We have to as citizens, bilang mamamayan, kailangan tayong magtulungan.”

Matatandaan na nagpalabas ng order si Moreno na nagre-require ng permits para sa lahat ng gustong mag-rally sa Maynila matapos itong mag-concede at nakiusap sa kanyang mga tagasuporta na mag-move on na at huwag makisali sa mga protest rallies na inumpisahan na ng ilang grupo kasama ang hanay ng mga mag aaral. VERLIN RUIZ