PMA CADET CORPS COMMANDER NAG-RESIGN

Romeo Brawner

BAGUIO CITY–MATAPOS ang 20 araw mula nang pumutok ang balitang pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio dahil sa hazing ay nagbitiw sa kanyang puwesto ang highest ranking cadet ng buong Philippine Military Academy (PMA).

Kinumpirma ni Corps of Cadet Commandant BGen Romeo Brawner na nagbitiw  at tinanggap niya ang resignation ni Cadet 1st Class Ram Michael Navarro, nakatalagang brigade commander ng cadet corps o tumatayong  class baron of PMA Masidlawin Class of 2020 dahil sa  command responsibility.

Inihayag ni Brawner na itinalaga nila si Cadet 1st Class Marion Dale Cordova bilang PMA baron.

Habang si Na­varro ay itinalaga bilang  bagong brigade operations officer na responsable sa pagsasanay ng lahat ng kadete sa loob ng PMA.

Si Dormitorio ay namatay noong Setyembre 18 matapos na dumaing nang pananakit ng tiyan at pagsusuka.

Nabatid na naglabas si Navarro ng  manifesto na kumokondena sa insidente na nagsasaad na ang pangyayari ay “an insult to the sanctity of humanity and as an untoward act that destroys the core values that bind us together as brothers and sisters.”

Sina PMA Supe­rintendent Lieute­nant General Ronnie Evangelista at PMA Commandant of Cadets Brigadier General Bartolome Bacarro ay kapwa nag-resign dahil sa command ­responsibility. VERLIN RUIZ