TAGUM, Davao del Norte – Napanatili ni Xiandi Chua ng All-Star Swim Club ang kanyang perfect run sa pagwawagi ng tatlo pang golds sa Philippine National Age Group Swimming Championships sa Davao del Norte Sports and Tourism Complex Aquatic Center dito.
Nagbalik sa full-time training noon lamang nakaraang Enero, nadominahan ni Chua ang girls 16-18-year-old 200-meter freestyle, 100-meter breast stroke at 200-meter individual medley events upang madagdagan ang kanyang koleksiyon sa lima matapos ang opening-day wins sa 200-meter back stroke at 400-IM races.
Ang 2018 Southeast Asian Age Group swimfest double gold medallist ay runaway winner din sa 200 free, sa oras na two minutes at 9.16 seconds, halos 10 seconds ang bilis kay Raven Faith Alcoseba ng La Salle Zobel (2:17.49) sa meet na inorganisa ng Philippine Swimming Inc.
Nagwagi rin si Chua sa 100 breast stroke (1:15.92) at 200 IM (2:25.24) sa kumpetisyon na suportado ng Philippine Olympic Committee at Philippine Sports Commission.
“I only came back to full-time training last January so I came basically not to win golds but to improve on my times,’” wika ni Chua, 17, na determinadong lumaban para sa bansa sa 30th Southeast Asian Games sa Disyembre, at magtatangka para sa 6-for-6 sweep ng kanyang events sa 100-meter freestyle.
Inangkin naman ni Holiday Gym Swim Club’s Lorah Micah Almogui ang girls 11-13 100-meter backstroke crown (1:34.48) at ang 200-meter IM (2:35.19) sa duelo sa kanyang nakababatang kapatid na si Liaa Margarette (2:36.93), ang outstanding swimmer ng Batang Pinoy Mindanao eliminations na idinaos din dito noong Pebrero.
Kabilang din sa double gold medalists si Aubrey Tom ng Rizal Alpha Dragons, na nanguna sa girls 11-13 meter freestyle (2:17.76) at 50-meter butterfly (31.39) sa event na umakit ng mahigit 200 swimmers at 54 clubs sa buong bansa na nagsisilbing national team qualifier para sa SEA Games.