HANDA ang Philippine National Police (PNP) na umalalay sa Department of Health (DOH) para sa COVID-19 pediatric vaccination para edad 5 hanggang 11 sa susunod na buwan.
Sinabi ni PNP Chief, General Dionardo Carlos na krusyal ang nasabing vaccination drive dahil mas bata na ang target subalit kakayanin naman nila lalo na’t kasado na o may template na ang kanilang mga hakbang.
“This will be crucial since we are dealing with the younger segment of the population but the PNP has already a template in place,” ayon kay Carlos.
Idiniin ni Carlos na maraming vaccination drives ang inalalayan ng PNP at napatunayan ang kanilang kapabilidad na tiyaking ligtas ang lahat ng vax cites kaya wala nang adjustments.
Inialok din ni Carlos ang kanilang trained vaccinators mula sa PNP Medical Reserve Force na nakagsilbi na sa naunang vaccination programs.
Nanawagan naman si Carlos sa mga magulang na laging mapagbantay sa kanilang mga anak at sumunod sa minimum public health standards upang makaiwas sa sakit. EUNICE CELARIO